December 25, 2024

Home BALITA

Handa na rin kaya magpatawad? Mensahe ni VP Sara ngayong Pasko tungkol sa pagpapatawad

Handa na rin kaya magpatawad? Mensahe ni VP Sara ngayong Pasko tungkol sa pagpapatawad
Photo courtesy: screenshot from Inday Sara Duterte/Facebook

Nagpahayag ng pagbati ngayong Kapaskuhan si Vice President Sara Duterte at hinimok ang taumbayan hinggil sa pagpapatawad at pagmamahal daw sa kapuwa.

Sa kaniyang social media accounts, sinariwa ni VP Sara ang diwa ng Pasko na nakabatay sa kapanganakan ni Hesus.

“Sa ating pagsariwa sa diwa ng Pasko, tayong lahat ay tinatawag upang maging mapagpatawad, bukas-palad, at mapagmahal sa ating kapwa,” ani VP Sara.

Dagdag pa niya: “Ang kapanganakan ni Hesus ay isang mensahe ng kapatawaran na sumasailalim sa walang kapantay na pag-ibig ng Diyos sa lahat. Gamitin natin ang kaniyang halimbawa bilang inspirasyon sa ating pakikipag-kapwa, lalo’t higit sa ating pamilya at mga minamahal sa buhay.”

VP Sara, FPRRD, pinilahan umano ng 40,000 katao sa kanilang Pamasko sa Davao City

Samantala, matatandaang nauna noong ipahayag ng bise presidente na bagama’t ang Kapaskuhan daw ay tungkol sa pagpapatawad, wala naman daw siyang balak gawin ito.

KAUGNAY NA BALITA: VP Sara, sinabing ang Pasko ay panahon ng pagpapatawad: ‘Pero ‘di ako magpapatawad!’

Binanggit din ng Pangalawang Pangulo ang mga bagay na mas importante pa raw kaysa sa mga materyal na regalo ngayong Pasko.

“Higit sa mga materyal na bagay na ating matatanggap ngayong Pasko, tayo ay inaanyayahang magbigay ng pag-unawa, respeto, at pagmamahal sa bawat isa, lalo na sa mga mahihirap at may karamdaman,” saad ng bise presidente.

Iginiit din ni VP Sara na ang diwa raw ng Pasko ay hindi lang daw dapat tuwing Disyembre, bagkus ay dapat sa lahat ng araw. 

“Ito ang tunay na diwa ng panahong ito, at ito ay isang paalala sa ating lahat, hindi lamang ngayong buwan ng Disyembre, kundi sa lahat ng araw,” anang Pangalawang Pangulo.