Tila naging golden era ng Pilipinas ang buong 2024 matapos itong sumungkit ng mga karangalan sa mundo ng pampalakasan.
Nitong 2024, muling pinatunayan ng mga atletang Pinoy na kaya nilang makipagsabayan sa mga naglalakihang kalaban sa loob at labas ng hardcourt. Kaya naman bago pa muling sumabak ang bansa sa paparating na 2025 Southeast Asian Games, narito ang matagumpay na kampanya ng iba’t ibang koponan at atletang gumawa ng ingay sa loob o labas man ng bansa ngayong 2024.
2024 Paris Olympics
Carlos Yulo
Kasaysayan ang inukit ni two-time Olympic gold medalist Carlos Yulo matapos niyang sungkitin ang dalawang gintong medalya sa gymnastics sa kasagsagan ng 2024 Paris Olympics.
Bukod sa pagiging unang Pinoy na nakakuha ng dalawang magkasunod na gintong medalya sa naturang torneo, inuwi rin ni Yulo sa Pilipinas ang pagkilala ng buong mundo matapos makopo ng bansa ang unang puwesto mula sa mga bansang nagmula sa Southeast Asia.
Aira Villegas
Binasag naman ni Aira Villegas ang sarili niyang record at inuwi ang bronze medal matapos ang kaniyang kauna-unahang Olympic stint sa nasabing torneo.Tinalo ni Villegas ang pambato ng France na si Wassila Lkhadiri upang masolo ang ikatlong puwesto sa women’s 50kg boxing category.
Nesthy Petecio
Back-to-back podium finisher din si Pinay Olympic boxer Nesthy Petecio nang masungkit niya ang isa pang bronze ng Pilipinas sa boxing category para sa women’s 57kg category. Ito ang ikalawang pagkakataong nag-uwi ng medalya si Petecio mula Olympics simula noong 2020 Tokyo Olympics kung saan nagkamit siya ng silver medal.
Gilas Pilipinas Asian Games
Umarangkada naman ang tropa ng Gilas Pilipinas sa Asian Cup noong Oktubre at angkinin ang titulo matapos ang 61 taon. Pinataob ng Gilas ang koponan ng Jordan, 70-60, matapos nila itong gantihan mula noong una silang nagharap sa nasabing torneo kung saan nauna silang tambakan nito 87-62.
EJ Obina Asian Games
Bigo man sa 2024 Paris Olympics, hindi naman matatawaran ang ibinigay na karangalan ni World’s No. 3 Pole Vaulter EJ Obiena sa Asian Games noong Setyembre nang angkinin niya ang kauna-unahang gold medal ng Pilipinas sa nasabing torneo para sa Pole Vaulting.
Alas Pilipinas
Alas Pilipinas women’s team
Pinatunayan naman ng batang koponan ng Alas Pilipinas women’s team na hindi hilaw ang kanilang line-up na kapuwa dinomina ng mga manlalaro mula collegiate level, matapos ang makasaysayang pagsungkit nila ng bronze medal sa Asian Volleyball Confederation (AVC) noong Mayo.
Panibagong back-to-back bronze medals din ang inuwi ng naturang koponan nang makipagsabayan din sila Southeast Asian V. League noong Agosto.
Alas Pilipinas men’s team
Bronze medal din ang inuwi ng men’s team ng Alas Pilipinas SEA V. League noong Agosto sa kabila ng pagiging underman ng nasabing koponan matapos ma-injured ang kanilang team captain na si Bryan Bagunas.
Samantala, para kay Philippine Olympic Committee President Bambol Tolentino, buo raw ang kaniyang tiwala sa Team Pilipinas para sa darating na Thailand SEA Games sa 2025.
“That will be a tough SEA Games, but I’m confident our athletes, our national sports associations will deliver in Thailand,” ani Tolentino.
Dagdag pa niya: “It was one historic year in 2024 that raised the bar that high, making the POC’s mission and vision even more challenging.”
Nakamata na rin daw ang komite upang paghandaan ang 2028 Los Angeles Olympics. “For this coming year, the ingredients are there, making the path to the Los Angeles Olympics in 2028 clearer and achievable,” anang POC.
Ikaw, sinong atleta ang nagpahanga sa’yo ngayong 2024?