Tinatayang 65% ng mga Pilipino ang umaasang magiging masaya ang pagdiriwang ng Pasko ngayong taon, ayon sa inilabas na survey ng Social Weather Stations (SWS) nitong Christmas Eve, Disyembre 24.
Sa tala ng SWS, walong puntos na bumaba ang porsyento ng mga Pilipinong umaasang magiging masaya ang kanilang Pasko mula sa 73% noong 2023 at 2022, at pareho naman sa lumabas na datos noong 2021. Mas mataas naman ito ng 15 puntos kumpara sa record-low na 50% noong 2020 ngunit 14 puntos na mas mababa kumpara sa pre-pandemic level na 79% noong 2019.
Samantala, lumabas din sa bagong survey ng SWS na 10% ng mga Pinoy ang nagsabing inaasahan na nilang magiging malungkot ang Pasko, kung saan mas mataas ito kumpara sa 6% noong 2023 at mas mababa kumpara sa 15% noong 2020.
Nasa 26% naman ng mga Pinoy ang nagsabing hindi magiging masaya o malungkot ang kanilang Pasko ngayong taon.
Isinagawa raw ang naturang survey mula Disyembre 12 hanggang 18 sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 2,160 indibidwal sa bansa na nasa 18 pataas ang edad.