Nagbigay ng ilang mga paalala ang doctor-vlogger na si "Dr. Kilimanguru" hinggil sa mga bagay na dapat iwasan mamayang Noche Buena, o ang nakasanayang salusalo sa pagsalubong sa Kapaskuhan.
Aniya sa kaniyang Facebook reel, unang-una raw ay iwasan ang mag-overeating o pagkain nang labis. Uminom daw muna ng 500ml water bago sumabak sa tsibugan, at bagalan lamang ito. Mahirap man daw ito, tandaan daw na lahat ng tao ay may prefrontal cortex o bahagi ng utak na responsable sa self-control.
Pangalawa, limitahan daw ang pag-inom ng softdrinks o carbonated drinks. Uminom lamang daw ng 1 cup of softdrinks pagkatapos kumain, simsimin lamang, at huwag laklakin. Habang kumakain daw ay mas mainam na umiinom ng tubig para madaling matunaw o ma-digest ang kinain.
Pangatlo, kontrolin lang daw ang portions at tandaang hindi ka mauubusan ng pagkain. Kumuha lamang daw sa lahat ng pagkain ng mga tatlong kutsara para matikman lahat. Huwag daw gawing excuse ang okasyon at sabihing "Ngayon lang naman" at baka raw kasi maging mitsa pa ito ng atake sa puso.
Pang-apat, limitahan daw ang pag-inom ng alak at iba pang mga inuming nakalalasing. Uminom lamang daw ng isang bote ng beer bawat oras. Iwasan daw ang sobrang pag-inom para hindi maging pabigat o madala sa emergency room.
Panlima, mag-set ng boundaries sa mga taong nakakaapekto o sumisira sa iyong peace of mind. Kapag daw may nagtanong ng mga personal na bagay gaya ng "Kailan ka mag-aasawa?" o "Kailan ka magkakaanak?," maaari daw sabihing "Ayaw ko pong pag-usapan 'yan, excuse me po" at lumayo na.
Giit pa ni Dok, mag-enjoy lang sa Noche Buena pero laging alamin at tandaan ang mga limitasyon.