Halos hakot awards ang singer, theater actor, at TV actor na si Markki Stroem matapos masungkit ang ilang mga parangal sa naganap na "Mister Universe 2024" na ginanap sa AVALON Hollywood sa Los Angeles, California noong Disyembre 22, 2024.
Bukod sa pagiging 4th runner-up, nasungkit din ni Stroem ang special awards na "Best in Talent" at "Best in National Costume" dahil sa kaniyang Tikbalang-inspired na kasuotan.
Ang costume designer ng kaniyang Tikbalang natcos ay si Patrick Isorena, na ayon sa kaniya ay mula sa kaniyang konsepto subalit tinulungan siya ni "Eat Bulaga" host Paolo Ballesteros.
Sa kaniyang Instagram post noong Lunes, Disyembre 23 ay nagpasalamat siya sa lahat ng mga nakatulong sa kaniya sa Mister Universe journey.
Nag-sorry naman siya nang magkamali siya sa intro at masabing "Land of the Rising Sun" ang Pilipinas sa halip na "Pearl of the Orient Seas."
"What a journey @themisteruniverse was! Ended up as 4th runner up! Not bad ," anang Markki.
"Also bagged the Best in National Costume and Best in Talent!"
"Happy to have represented the 'Pearl of the Orient', the Philippines! I am so deeply sorry, I guess, sometimes nerves take over. ," aniya pa.