Nanawagan ang isang international organization ng mga abogado kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na pagkalooban ng “absolute pardon” si Mary Jane Veloso.
Si Veloso, na hinatulan ng parusang kamatayan sa pamamagitan ng firing squad ng korte ng Indonesia at nakulong ng mahigit 14 taon dahil sa ilegal na droga, ay pinauwi na sa Pilipinas upang ipagpatuloy ang kaniyang sentensiya.
Nauna nang sinabi ng Department of Justice (DOJ) na walang kondisyong itinakda ang Indonesia sa paglipat kay Veloso. Naka-confine siya ngayon sa Correctional Institution for Women (CIW) sa Mandaluyong City. Inulit niya ang kaniyang pakiusap sa Pangulo na bigyan siya ng executive clemency.
“We implore the Philippine President Ferdinand Marcos, Jr. to free Mary Jane Veloso, by way of absolute pardon on compassionate grounds, in this, the Season of Peace,” anang Belgium-based International Association of Democratic Lawyers (IADL).
"Mary Jane Veloso, a victim of trafficking, has suffered long enough and the grant of clemency is primarily a presidential prerogative which may be given purely on a humanitarian basis, without the need of a lengthy administrative and legal review by experts. Justice delayed is justice denied,” dagdag pa.
Binanggit din ng IADL na mahigpit nitong sinundan ang kaso, at iginiit na ipinapakita ni Veloso ang mga kahinaan ng mga migranteng manggagawa, partikular na ang mahihirap na kababaihan, na sa kanilang paghahanap ng mas magandang oportunidad dahil sa kawalan ng anumang disenteng trabaho sa tahanan, ay nagiging mga target ng pagsasamantala.
“With her return to the Philippines, Ms. Veloso now has the opportunity to testify against the traffickers who orchestrated her exploitation, thereby aiding in her pursuit of genuine justice. Ms. Veloso’s repatriation should also set a precedent for the Philippine government in proactively addressing the cases of the 59 other Filipinos on death row worldwide,” giit ng IADL.
“We also urge host governments holding the prisoners, to follow the Indonesian example and facilitate their repatriation to their home state,” dagdag nito.
Taong 2010 nang arestuhin si Veloso, na ngayon ay 39-anyos, sa Indonesia at sentensiyahan ng parusang kamatayan noong 2015 dahil umano sa pagtatangkang magdala ng 2.6 kilo ng heroin sa Indonesia.
Sa kaniyang paglilitis, iginiit ni Veloso na nalinlang lamang daw siya at hindi niya alam na may droga sa loob ng maletang dala-dala niya patungong Indonesia, na mula sa kaniyang recruiter.
Jeffrey Damicog