Nakatakdang lagdaan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang panukalang ₱6.352-T national budget sa December 30, 2024 o Rizal Day, ayon sa Presidential Communications Office (PCO) nitong Martes, Disyembre 24.
Ayon kay PCO Secretary Cesar Chavez, pipirmahan ni Marcos upang maging batas ang national budget para sa susunod na taon pagkatapos ng programa para sa Rizal Day sa Maynila.
"Signing on 30 December 2024 after the Rizal Day program in Manila," ani Chavez.
Matatandaang noong Disyembre 20 nang ipagpaliban ni Marcos ang paglagda sa panukalang budget dahil sisiyasatin at pag-aaralan pa raw nila ito.
Kaugnay nito, noong Disyembre 16 nang ipinahayag ng pangulo na tinitingnan niyang ibalik ang tinapyas na sa ₱10 bilyon sa budget ng Department of Education (DepEd) para sa 2025.
Matatandaang sa ginanap na Bicameral Conference Committee ng Senado at Kamara kamakailan, binabaan at naging ₱737 bilyon ang budget ng DepEd para sa 2025, ₱12 bilyong mas mababa kumpara sa ₱748.6 bilyong unang inilaang pondo ng ahensya.
Ipinabatid naman ni DepEd Secretary Sonny Angara ang kaniyang pagkalungkot sa kinahinatnan ng budget ng kanilang ahensya sa bicam, lalo na’t ₱10 bilyon daw sa ikinaltas ang para sana sa kanilang computerization program.
Pagkatapos nito, inihayag ni Angara na si Marcos na mismo ang nagsabing reremedyuhan ang niya ang budget ng ahensya na kinaltasan ng Kongreso.
MAKI-BALITA: PBBM, reremedyuhan kinaltasang budget ng DepEd – Angara
Sa kabilang banda, kinatwiranan ng pangulo ang naging desisyon ng Kongreso na bigyan ng “zero subsidy” ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa 2025, at sinabing sapat naman umano ang pondo ng ahensya.
MAKI-BALITA: PBBM sa ‘zero subsidy’ ng PhilHealth sa 2025: 'They have sufficient funds to carry on!'