Ilang araw na lang bago tuluyang pumasok ang 2025, kaya naman tila nagkalat na sa social media ang iba’t ibang pakulo ng Gen Zs patungkol sa pagbabaliktanaw sa 2024 at pamamaaalam sa buong isang taong nagdaan.
Ang Generation Z o Gen Z ay ang mga taong ipinanganak mula 1997 hanggang 2012. Ayon sa Pew research Center, kilala rin sila bilang “digital native” dahil sila ang henerasyong umabot sa pag-usbong ng internet at digital age. Bunsod nito, tila hindi maikakailang malaki sa populasyon ng internet users ay nadomina ng Gen Zs.
Kaya naman gusto mo bang makasabay o ma-gets ang laman ng newsfeed mo? Narito ang ilan sa mga karaniwang “year-end trends” ng mga Gen Z!
Year-end dump
Hindi masasabing plakado na ang isang taong nagdaan kung wala ang ‘ika nga nila’y “mandatory year-end dump” na entries ng halos lahat ng social media users. Kahit sa unang linggo pa nga lang ng Disyembre ay nagkalat na ang ilang mga templates para daw sa kanilang mabilisang recap entry.
Sa pamamagitan ng year-end dump, naipapakita ng isang social media users ang rundown ng lahat ng naging ganap niya sa buong taon sa loob lamang ng 30 hanggang 60 segundo, o minsa’y sobra pa.
Spotify wrapped
Ito ang resibong taon-taon ding inaabangan ng Gen Zs mula sa sikat na online music streaming platform na Spotify. Laman kasi ng Spotify wrap ang isang taong breakdown ng mga musikang pinakinggan ng isang user kung saan detalyadong naka-buod ang ilang Spotify activities buong taon.
Para sa ilang Gen Zs, ito raw kasi ang “summary” ng kanilang buhay buong taon dahil umano sa mga kantang sumasalamin daw sa theme song ng buhay nila.
Day 365/365
Ang mahiwagang Day 365/365 na sumusulpot nga lang daw tuwing unang sampung araw ng Enero at muling babalik sa huling araw ng taon! May ibang salita ring ginagamit dito ang ilang Gen Zs katulad na lamang ng “chapter” at “page.” Ito raw kasi ang palatandaan na nagtapos na at nagawang maigapang ang hirap ang mga pagsubok na hinarap sa loob ng 365 araw ng isang taon.
Horoscope
Pagkatapos ng Pasko, kaniya-kaniyang post naman ang ilan sa mga mahahanap nilang horoscope predictions para sa susunod na taon. Mamalasin? Susuwertihin? Ano kaya ang lucky number or lucky color mo?
Ang horoscope trend na ito, tila namana na nga lang ng Gen Zs dahil kahit hindi mula sa kanilang henerasyon ay nakaabang o gusting sumilip sa magiging kapalaran nga naman nila sa susunod na taon.
Year end message/confession
Lahat ba nakapag-confess na?
Tila may hatid namang sentimental ang trend na ito, kung saan ang isang social media user ay mag-iiwan ng isang post kung saan maaaring mag-interact ang followers/friends nila upang ilahad ang gusto nilang sabihin o ipagtapat bago tuluyang matapos ang taon. Sa ganitong paraan ay nagkakaroon daw o nabibigyan mo ng closure ang iyong sarili sa mga “what if’s” mo upang hindi mo na ito mabitbit pa sa susunod na taon.
Chismis rundown
Sinong may sabing walang alam ang Gen Z sa balita? Kung lapagan nga ng resibo ay hindi raw mauunahan ang kanilang henerasyon lalo na sa mga chismis at balitang nagpasabog sa buong taon. Chronological pa nga kapag naglatag na ng mga balita ang Gen Zs! Ang sistema ay tila may representative pa kung sino ang personalidad na gumawa ng ingay sa bawat buwang nagdaan mula Enero hanggang Disyembre.
Sa mabilis na nagpapabago ng mga nauusong pakulo sa tuwing magpapalit ng isang taon, katuwaan man sa iba, tila isang paraan na rin ito, upang balikan kung paano naigapang ng bawat isa ang tawag nga nilang “mala-roller coaster ride” daw ng buhay.
Ikaw? Paano binabalikan ang naging kuwento ng isang taon mo?