Bago pa man sumapit ang Kapaskuhan at Bagong Taon, pumalo na agad sa 17 kaso ng firework-related injuries (FWRI) ang naitala ng Department of Health (DOH) sa bansa.
“Simula December 22 hanggang 23, 2024 may naitalang 17 kaso ng firework-related injuries mula sa 62 sentinel hospitals na binabantayan ng DOH sa buong bansa,” ayon sa DOH.
Anang DOH, sa mga naturang kaso, 16 ang lalaki na may edad 7 hanggang 37 taong gulang habang isa naman ang babae, na nasa 20-taong gulang.
Nabatid na mas mataas ito sa anim na kaso lamang na naitala sa kaparehong panahon noong 2023.
Kaugnay nito, mahigpit naman ang paalala ng DOH sa publiko na iwasan ang paggamit ng anumang uri ng paputok. Mas makabubuti rin daw na gumamit ng mga alternatibong pampaingay tulad ng tambol, torotot, at iba pa.
Hinikayat din naman ng DOH ang mga magulang na pagbawalan ang mga bata sa pagpapaputok.
“Maaaring tawagan ang National Emergency hotline sa numerong 911 at 1555 naman para sa DOH hotline sakaling mangailangan ng tulong,” ayon pa sa DOH.