January 23, 2025

Home BALITA National

DOH, nagbabala tungkol sa 'Holiday Heart Syndrome'

DOH, nagbabala tungkol sa 'Holiday Heart Syndrome'
Photo courtesy: Department of Health/Facebook, Pexels

Pinaalalahanan ng Department of Health (DOH) ang publiko hinggil sa tinatawag nilang “Holiday Heart Syndrome.”

Sa opisyal na Facebook page ng ahensya, nagbabala at inilatag nila ang ilang kaso umano ng heart diseases sa bansa sa buong 2024. 

Ayon sa DOH, ang Holiday Heart Syndrome ay isang kondisyon sa puso na nakukuha mula sa sobrang alcohol intake, stress, pagod at sobrang pagkain ng mga maaalat at matatabang pagkaing maaari din umanong maging sanhi ng pagtaas ng blood pressure. 

Patuloy namang hinimok ni DOH Secretary Ted Herbosa ang publiko hinggil sa pagkakaroon daw ng disiplina sa pagkain ng gulay at prutas at pagkakaroon ng oras upang mag-ehersisyo. 

National

PH History, ibabalik na bilang subject sa high school?

“Mahal po ng Kagawaran ng Kalusugan ang ating mga kababayan. Katulad ng pag-aalaga ninyo sa inyong mga kaanak, kami ay nagpapa-alala na iwasan ang sobra sobrang pagkain ng mga maaalat, matataba at matatamis na pagkain ngayong holiday season. Damihan ang pagkain ng gulay at prutas na dapat ay kalahati ng inyong Pinggang Pinoy. Humanap po tayo ng oras na mag-ehersisyo,” ani Herbosa. 

Mula sa datos na inilabas ng DOH mula sa Philippine Heart Center (PHC), nakapagtala ang nasabing ospital ng 60 stroke cases muka buwan ng Hulyo hanggang Nobyembre 2024. Habang may pitong kaso ring naiulat ang PHC ilang araw bago sumapit ang Pasko. 

Giit ng DOH, may posibilidad pa raw na tumaas ang kaso ng stroke lalo na ngayong holiday season dahil daw sa kabi-kabilang handaan at selebrasyon. 

“Maaari pang tumaas ang bilang ng mga kaso ng stroke matapos ang Pasko at pagsalubong sa bagong taon kung hindi mapipigilan ang labis na pag-inom ng alak at pagkain mula sa sunod sunod na handaan,” anang ahensya.