Ibinahagi ng Filipino-American social media personality na si Bretman Rock ang unboxing video ng Filipino-inspired Barbie Doll sa kaniyang TikTok account nitong Linggo, Disyembre 22.
Ayon kay Bretman, ilang buwan na ang nakalilipas at maraming netizen ang nag-tag sa kaniya, na nagsasabing kamukha nila ng kapatid niya ang nasabing Filipino-inspired Barbie Doll. Kaya naman, sinabi niya sa sarili na kailangan niyang makabili nito. Alam na raw niya kung anong itsura ng Filipino-inspired Barbie Doll dahil nakikita niya na ito online, ngunit nang i-unbox niya ito, napatili siya sa kagandahan nito.
“It’s so beautiful,” saad ni Bretman sa kaniyang video.
“This is why representation matters, everyone!” dugtong niya pa.
Matatandaang noong Oktubre 9 ay inilunsad ng Mattel ang bagong Filipina Barbie bilang bahagi ng kanilang Styled by Design series, na dinisenyo ng Filipino-American artist at designer na si Carlyle Nuera.
Ayon sa opisyal na website ng Mattel, ang disenyo ng manika ay nagpapakita ng pagkilala sa kulturang Pilipino na may halong haute couture na estilo.
Tampok sa Barbie ang korona na inspirasyon mula sa araw sa watawat ng Pilipinas, modernong corset top na may dramatikong terno sleeves, at skirt na halaw sa tradisyonal na malong.
Bukod dito, mayroon ding janggay jewelry, bakya-inspired na sapatos, at indigenous batok tattoos sa mga braso ng manika.
Sa Instagram post, ibinahagi ni Nuera ang kahalagahan ng proyektong ito para sa kaniya.
"Being Filipino is my most foundational identity. I’ve always been proud to be Filipino, and that’s thanks to my family." aniya.
Hindi ito ang unang pagkakataon na lumikha si Nuera ng manikang inspirasyon mula sa kulturang Pilipino. Siya rin ang nasa likod ng Mutya Barbie noong 2015 na nagbigay ng malaking pagbabago sa direksyon ng kaniyang karera.
Ang Filipina Barbie na ito ay mabibili sa presyong $100 o humigit-kumulang ₱5,700.
Mariah Ang