Tuwing papatak ang Disyembre 25, halimbawa sa Pilipinas, tila mas espesyal ang mga karanasan at mga nararamdaman dahil sa simoy ng diwa ng Pasko.
Mas rinig ang mga halakhak ng kaligayahan, ngunit mas tanaw rin sa mga mata kung dinadalaw ng kalungkutan. Mas lasap ang iba’t ibang putahing pumupuno sa hapag-kainan, ngunit para sa mga may dinadala, mas dama pa rin ang haplos ng pait ng pag-iisa. Tuwing Kapaskuhan, mas malakas ang epekto ng bawat nararamdaman—positibo man ito o negatibo.
Ngunit, sa ibang dako ng mundo, hindi malaking bagay para sa karamihan kung masaya o malungkot ang Disyembre 25. Dahil kung tutuusin, isa lamang ito sa mga ordinaryong araw para sa kanila. Ito ay dahil hindi ipinagdiriwang sa kanilang bansa ang nasabing okasyon.
Narito ang 10 sa mga bansang hindi nagdiriwang ng Pasko at hindi idinideklara ang Disyembre 25 bilang national holiday, ayon sa World Population Review.
1. Afghanistan
Hindi ipinagdiriwang sa Afghanistan ang Pasko dahil mayorya sa populasyon dito ay mga Muslim. Kaya naman, parang ordinaryong araw lamang sa bansa ang Disyembre 25 at hindi ito idinideklara bilang national holiday, bagama’t may iilan pa rin mga Kristiyanong nagsasagawa ng pagdiriwang.
2. Bhutan
Ang Bhutan ay isang bansang nagpa-practice ng Buddhism. Mas mababa pa raw sa 1% ng kanilang populasyon ang Kristiyano na naniniwala sa Pasko. Dahil dito, hindi rin national holiday ang Disyembre 25 sa kanilang bansa.
3. Brunei
Hindi lamang sa hindi ipinagdiriwang ang Pasko sa Islamic country na Brunei, kundi talagang “banned” ito sa kanila. Mula raw taong 2015, ipinagbawal na sa Brunei ang public Christmas celebrations dahil maaari umano nitong masira ang pananampalataya ng komunidad ng mga Muslim.
4. Mongolia
Halos lahat ng populasyon sa Mongolia ay Buddhists, kaya’t hindi rin popular at ipinagdiriwang dito ang Pasko. Ngunit pinapayagan naman ang mga iilang Kristiyano sa naturang bansa na magdiwang tuwing Disyembre 25.
5. Morocco
Hindi idinideklara bilang national holiday ang Disyembre 25 sa Morocco dahil karamihan sa mga residente rito ay mga Muslim. Maliit lamang ang komunidad ng mga Kristiyano na nagsasagawa ng munting pagdiriwang.
6. North Korea
Taong 2016 nang i-ban ni North Korean leader Kim Jong Un ang pagdiriwang ng Pasko sa kanilang bansa, at kalaunan ay ipinagbawal din daw niya sa naturang araw ang mga pagtitipong may kantahan. Ayon pa sa mga ulat, matapos ipagbawal ang pagdiriwang ng Pasko ay sinabihan pa ni Kim Jong Un ang mga Kristiyano sa kanilang bansa na ipagdiwang na lamang ang kaarawan ng kaniyang lola na ipinanganak noong Christmas Eve ng taong 1919.
7. Pakistan
Idineklara ring public holiday ang Disyembre 25 sa bansang Pakistan, ngunit hindi dahil sa Pasko, kundi para raw sa kaarawan ng founder ng bansa na si Muhammad Ali Jinnah. Hindi ipinagdiriwang dito ang Pasko dahil halos lahat daw ng mga tao sa Pakistan ay Muslim, o kung hindi naman ay sumusunod sa mga tradisyon at paniniwala ng Islam.
8. Somalia
Mula taong 2013, idineklarang “banned” sa Somalia ang Pasko. Ito ay dahil in-adopt daw ng bansa ang Sharia Law. Ipinagbabawal dito ang Pasko dahil banta umano ito sa pananampalatayang Muslim.
9. Tajikistan
Hindi lamang ang pagdiriwang ng Pasko ang ipinagbabawal sa Tajikistan, kung saan mayorya sa populasyon ay mga Muslim. Banned din daw dito ang mga sekular na aspeto ng okasyon, tulad ng mga Christmas tree at mga regalo.
10. Thailand
Hindi deklarado bilang national holiday ang Pasko sa Thailand dahil na rin sa mayorya ng populasyon dito ay Buddhists. Sa kabila naman nito, hinahayaan din sa kanilang bansa ang mga Kristiyanong magdiwang ng Pasko.