Napanatili ng bagyong Romina ang lakas nito habang kumikilos pahilaga patungo sa Southern Kalayaan Islands, ayon sa update ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Linggo ng hapon, Disyembre 22.
Sa tala ng PAGASA dakong 2:00 ng hapon, huling namataan ang Tropical Depression Romina 290 kilometro ang layo sa timog na bahagi ng Pag-asa Island, Kalayaan, Palawan sa labas ng Philippine area of responsibility (PAR).
Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 55 kilometers per hour malapit sa sentro at pagbugsong aabot sa 70 kilometers per hour.
Kumikilos ang bagyo pakanluran sa bilis na 35 kilometers per hour.
Dahil dito, nakataas sa Signal No. 1 ang Kalayaan Islands.
Base sa forecast track ng PAGASA, maaaring dumaan ang bagyong Romina malapit sa southern portion ng Kalayaan Islands area sa susunod na 24 na oras. Hindi isinasantabi ang posibilidad na pumasok ito sa loob ng PAR sa maikling panahon.
Maaaring itaas ang bagyo sa kategoryang “tropical storm” sa susunod na 12 oras bago humina sa “tropical depression” category sa nalalabing forecast period.