Mismong si Kapuso star at "Green Bones" lead actor Dennis Trillo na ang nagpaliwanag tungkol sa nag-trending na "hacking incident" sa kaniyang TikTok account, na lumikha ng ingay dahil sa umano'y sarkastikong tanong niya sa isang netizen patungkol sa ABS-CBN.
Muling naungkat ang tungkol dito nang sumalang siya sa panayam ni Bianca Gonzalez sa "The B Side" ng Cinema One noong Disyembre 18, 2024, para sa promotion ng kaniyang pelikulang kalahok sa 2024 Metro Manila Film Festival (MMFF).
Dito ay nausisa nga ng Kapamilya TV host si Dennis patungkol sa nabanggit na hacking incident, noong Hulyo 1, 2024 kung saan pabalang na sinagot ni "Dennis" ang isang netizen kung bakit wala sa bagong station ID ng GMA Network ang misis niyang si Jennylyn Mercado, na isa sa homegrown talents at A-list stars ng Kapuso Network.
May mga umuugong ding tsika na lilipat na umano si Jen sa ABS-CBN, matapos gumawa ng album sa Star Music, ang sister music company ng Kapamilya.
"Kuya dennis sana masagot mo ito bakit wala si ma'am Jen sa GMA STATION ID at totoo ba na lilipat na siya sa ABC CBN," urirat ng netizen.
"May ABS pa ba?" nakagugulat na sagot ni "Dennis" na agad na kumalat at pinutakti sa social media.
Lumabas kasi na tila pasaring daw ng aktor ang nabanggit na sarkastikong tanong sa dati niyang home network, bago siya lumundag sa Kapuso Network.
Matapos nito ay naglabas ng opisyal na pahayag ang kaniyang talent management at sinabing biktima lamang si Dennis ng hacker.
Sinasabi nilang hindi si Dennis ang nag-reply at nag-post ng ganoong tanong sa netizen, dahil abala raw ito sa taping nang mga sandaling iyon.
Ipinagtanggol din mismo ni Jen ang asawa at sinabing hindi magagawa ni Dennis ang ganoon, at malayo ito sa kaniyang personalidad.
Sa kabilang banda, kahit na nagpaliwanag na ang kampo, marami pa rin ang hindi kumbinsidong na-hack nga ang TikTok account ng aktor.
Ngunit makalipas nga ang limang buwan, heto't mula na mismo kay Dennis ang pagkaklaro tungkol dito.
"I cannot let this chance pass without asking you something that I have zero judgment for. I want to know, this is super curious as me, because one of the recent things that I read is the viral comment that you made or that someone made with your name on it," anang Bianca.
"This is, 'May ABS pa ba?' I just wanted to really know, ano ba talaga yung totoong kuwento behind that viral…na pinalaki ng mga tao comment."
Bagama't makikita sa facial expression ni Dennis na nawindang siya sa tanong ni Bianca ay composed pa rin siyang sumagot.
Kinumpirma ni Dennis na nasa taping siya ng "Pulang Araw" nang mangyari ang hacking incident.
"Ang nangyari doon, nasa taping ako. Isang taping 'yon na napakarami kong eksena noon. This is a series, sa Pulang Araw. So, ang ginawa ko, sabi ko para gumanda 'yong mood ko, mag-post muna ako ng isang TikTok para ma-boost 'yong mood ko, ganiyan-ganiyan..."
"Tapos no'ng na-post ko na siya, nakita ko na okay may views na, nag-comment si David Licauco, pumunta na ako sa set. Ginawa ko na 'yong eksena namin."
"Pagbalik ko, nagkakagulo na. Tinext na ako ng manager ko na, 'Ano tong nangyayari?' Sabi ko, 'Anong nangyari?'"
"Ito kasing TikTok account ko hindi ko alam na mayroon sa devices, may access [na hindi ako]. After lang no'n, saka ko lang dinelete 'yong mga devices..."
Iginiit ni Dennis na hindi niya kayang bastusin ang network na kaniyang pinanggalingan.
"Kung ako, never ko 'yon gagawin. Siyempre galing tayo sa ABS-CBN. Malaki 'yong respeto natin doon sa network na 'yon. Although walang prangkisa pero nandiyan pa rin sila. Ako 'yong tao na walang kaaway, eh. Hindi ako napapalagay na mayroon akong kaaway o may someone na may sama ng loob sa akin. And never akong sasagot sa gano'n sa napaka-innocent lang na question. Ako 'yong tao na hindi nagbu-burn ng bridges para mag-comment lang ng gano'n"
Samantala, hindi naman nabanggit sa panayam kung natukoy o nahuli ba nila ang sinasabing hacker ng TikTok account ni Dennis.
KAUGNAY NA BALITA: Tanong ni Dennis Trillo kung 'May ABS pa ba?' dinagsa ng batikos
KAUGNAY NA BALITA: Dennis Trillo, dinepensahan ng manager kaugnay ng 'hacking incident'