December 22, 2024

Home BALITA National

Bagyo sa timog ng Palawan, posibleng pumasok sa PAR – PAGASA

Bagyo sa timog ng Palawan, posibleng pumasok sa PAR – PAGASA
(Courtesy: PAGASA/FB screengrab)

Posibleng pumasok sa loob ng Philippine area of responsibility (PAR) ang binabantayang bagyo sa timog na bahagi ng Palawan ngayong Linggo, Disyembre 22, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Sa weather forecast ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, inihayag ni Weather Specialist Obet Badrina na huling namataan ang nasabing tropical depression 620 kilometro ang layo sa timog ng Pag-asa Island sa Kalayaan, Palawan.

Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 55 kilometers per hour at pagbugsong aabot sa 70 kilometers per hour.

Kumikilos ang bagyo pa-north northeast sa bilis na 20 kilometers per hour.

National

Eastern Samar, niyanig ng magnitude 4.0 na lindol

Kapag pumasok sa PAR, pangangalanan ang bagyo bilang “Romina” at ito ang magiging ika-18 bagyo sa bansa sa 2024.

“Posible rin na magtaas tayo ng tropical cyclone wind signal partikular na sa bahagi ng Kalayaan Islands,” saad ni Badrina.

Sa kasalukuyan ay nakaaapekto na rin ang trough ng bagyo sa bansa at inaasahan itong magdadala ng maulap na kalangitan na may kasamang kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Zamboanga Peninsula, Palawan, Basilan, Sulu, at Tawi-Tawi.

Bukod naman sa bagyo, patuloy pa rin ang pag-iral ng northeast monsoon o amihan at shear line, o ang ang linya kung saan nagsasalubong ang mainit at malamig na hangin.

Ayon sa PAGASA, inaasahang magdadala ang shear line ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at isolated thunderstorms sa Visayas, Bicol Region, CALABARZON, Oriental Mindoro, Occidental Mindoro, Marinduque, Romblon, at Dinagat Islands.

Malaki naman ang tsansang magdudulot ang malamig na hanging amihan ng maulap na kalangitan na may kasamang mga pag-ulan sa Metro Manila, Cagayan Valley, Cordillera Administrative Region, at Central Luzon; at ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may isolated light rains sa mga natitirang bahagi ng Luzon.

Medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms naman ang inaasahang mararanasan sa mga natitirang bahagi ng Mindanao bunsod ng trough ng bagyo.