Noong Sabado ng gabi, Disyembre 21, nang maglabas ng advisory ang Office of Civil Defense (OCD) upang ialerto ang mga lokal na pamahalaan sa Ilocos Region (Region I), Cagayan Valley (Region II) at Central Luzon (Region III) na maghanda ng tsunami evacuation plans matapos yumanig ang sunod-sunod na lindol sa baybayin ng Ilocos Sur sa mga nakalipas na araw.
MAKI-BALITA: Matapos mga lindol sa Ilocos Sur: 3 rehiyon sa Luzon, pinaghahanda sa posibleng tsunami
Ayon sa OCD, ang tsunami ay isang serye ng mga alon sa dagat na karaniwang nalilikha ng mga lindol sa ilalim ng karagatan, kung saan ang taas ay maaaring higit sa 5 metro.
“It can occur when the earthquake is shallow-seated and strong enough to displace parts of the seabed and disturb the mass of water over it,” anang OCD.
May dalawang uri ng tsunami: ang lokal na tsunami at tsunami na malayo ang pinagmulan.
Nagmumula ang “lokal na tsunami” sa mga karagatan sa paligid ng Pilipinas, at ang alon ay makararating sa pinakamalapit na baybayin mula sa episentro sa loob ng 5 minuto matapos ang lindol.
Samantala, ang “tsunami na malayo sa pinagmulan” ay kadalasang nanggagaling sa mga bansang nakapalibot sa Pacific Ocean gaya ng Chile, Alaska sa USA at Japan. Maaaring makarating ang tsunami sa baybayin ng Pilipinas mula 1 hanggang 24 oras.
Tatlo ang maaaring senyales ng nagbabantang lokal na tsunami: ang “shake” (naramdamang lindol), “drop” (hindi karaniwang pagbabago ng sea level o biglaang pagbaba o pagtaas ng sea water), at “roar” (dumadagundong na tunog ng paparating na mga alon).
Kaugnay nito, nagbigay rin ang OCD ng mga hakbang na dapat gawin ng publiko upang maiwasan ang panganib na dulot ng naturang kalamidad.
Narito ang mga dapat gawin upang maging ligtas sa tsunami, ayon sa OCD:
BEFORE
• Alamin kung ang iyong lugar ay may potensyal na banta ng tsunami.
• Alamin ang lokasyon kung saan dapat lumikas.
• Makilahok sa community tsunami preparedness actions and drills.
• Magtanim ng mga bakawan at puno malapit sa dalampasigan
• Ihanda ang GO BAG ng iyong pamilya na naglalaman ng mga bagay na kailangan para mag-survive, tulad ng pagkain, inumin, at first aid kits.
DURING
• Manatili sa mas mataas na lugar. Huwag manatili sa mababang baybayin pagkatapos ng malakas na lindol. Lumipat kaagad sa mas mataas na lugar.
• Huwag bumaba sa dalampasigan para panoorin o kunan ng litrato ang tsunami.
AFTER
• Umalis lamang sa evacuation area kapag sinabi ng mga awtoridad na ligtas nang umuwi.
• Lumayo sa dagat maliban kung sasabihin ng mga awtoridad na ligtas na ito.
• Suriin ang mga nawawalang indibidwal o kasamahan at iulat ito sa mga awtoridad.
• Dalhin ang mga nasugatan at may sakit sa pinakamalapit na ospital.
• Suriin kung may basa o nakalubog na mga saksakan at kagamitan bago buksan ang kuryente.
• Suriin ang iyong bahay para sa mga posibleng pinsala at ayusin kung kinakailangan.
Ingat, Ka-Balita!