Arestado ang isang 28-anyos na construction worker matapos niyang i-hostage ang kaniyang kinakasama at apat nilang mga anak na pawang mga menor de edad, kabilang ang walong buwan nilang sanggol, sa Barangay Bagumbayan, Taguig City kamakailan.
Lumalabas sa report ng Southern Police District, nagsimula ang insidente nang awayin umano ng suspek ang kaniyang kinakasama dahil hindi siya binigyan ng pera pambili ng alak.
Napilitang humingi ng tulong ang ina ng mga biktima sa Barangay Bagumbayan Security Force (BSF) matapos umano siyang saktan ng naturang live-in partner. Agad sumaklolo ang BSF police kasama ang Special Weapons and Tactics (SWAT).
Tumagal daw ng halos apat na oras ang negosasyon ng pulisya sa pangunguna ni Taguig police chief Col. Joey Goforth bago tuluyang sumuko ang suspek at pakawalan ang kaniyang mag-iina.
Pinuri naman ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief PBGen. Anthony Aberin ang naging pagtugon daw ng tropa nina Goforth matapos ang kanilang ligtas na operasyon para sa mga mag-iina.
“I commend the Incident Commander and team for launching a successful operation which resulted in the rescue of the victims and the arrest of the suspect. Your competence in the resolution of this high-risk situation exemplifies what NCRPO represents-an Able, Active and Allied police force,” ani Aberin.
Nahaharap sa patong-patong na mga reklamo ang suspek katulad ng illegal detention, direct assault, alarms and scandals at illegal possession of bladed weapons, at kasalukuyang nasa kustodiya ng Taguig police.