Muling nakiusap ang Philippine National Police (PNP) sa publiko tungkol sa pag-iwas ng paggamit ng mga paputok at pailaw sa residential areas sa pagsalubong sa 2025.
Sa panayam ng DOBOL B TV kay PNP spokesperson Police Brigadier General Jean Fajardo nitong Sabado, Disyembre 21, 2024, muli siyang nagpaalala sa publiko na mayroon daw designated community zone kung saan maaaring magpailaw sa pagsalubong sa Bagong Taon.
“Sana makipagtulungan ang ating mga kababayan para sa kaligtasan ng lahat na mayroong mga designated community zone at doon na lang po at makakakita kayo ng magagandang pailaw,” ani Fajardo.
Dagdag pa ni Fajardo: “Iwasan ang mga pagpapaputok doon sa harap ng kanilang mga bahay at salubungin natin ang Bagong Taon na ligtas po.”
Nakatakda rin daw magpakalat ang PNP ng kanilang miyembro lalo na raw sa bisperas ng Bagong Taon upang masiguro daw ang kaligtasan ng publiko mula sa mga magbabalak gumamit ng mga ipinagbabawal na paputok sa mga residential areas.
“Magpapakalat tayo ng mga pulis lalong lalo na sa bisperas ng Bagong Taon para siguraduhin ng ating mga pulis at ang mga barangay ay ide-deploy natin 'yan at dadagdagan pa po natin 'yan ng mga force multipliers to make sure na walang magpapaputok lalong lalo na yung mga firecrackers doon sa mga residential areas para maiwasan ang insidente,” saad ni Fajardo.
KAUGNAY NA BALITA: ALAMIN: 28 paputok na ipinagbabawal sa Bagong Taon
Samantala, may nilinaw din si Fajardo kaugnay ng tinatawag na “indiscriminate firing,” hinggil sa paggamit umano ng mga pulis ng kanilang baril upang magpaputok sa Bagong Taon.
“Matagal na nating hindi pina-practice 'yan na tine-tape [ang dulo] ng mga baril dahil naniniwala tayong disiplinado ang ating mga pulis,” anang PNP spokesperson.
Dagdag pa niya: Patuloy natin silang pinaaalalahanan na dapat ay hindi nila ginagamit sa anumang klaseng pagputok ng kanilang mga baril. Dapat ginagamit 'yan sa official [mission] lang," giit ni Fajardo.