Nabuo na bilang isang bagyo ang binabantayang low pressure area (LPA) sa labas ng Philippine area of responsibility (PAR), ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Sabado ng hapon, Disyembre 21.
Sa tala ng PAGASA dakong 2:00 ng hapon, huling namataan ang tropical depression 900 kilometro ang layo sa southwest ng Southwestern Luzon.
Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 55 kilometers per hour at pagbugsong aabot sa 75 kilometers per hour.
Kumikilos ang bagyo pa-east northeast sa bilis na 15 kilometers per hour.
Bagama’t mababa ang tsansang pumasok sa PAR ang nasabing bagyo, asahan daw na magdadala ito ng mga pag-ulan sa kanlurang bahagi ng bansa, lalo na sa lalawigan ng Palawan.
Inabisuhan ng PAGASA ang publikong manatiling nakaantabay sa mga susunod na update kaugnay ng lagay ng panahon.