Iginiit ni dating senador Bam Aquino na dapat umanong magpaliwanag ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) sa naging desisyon nitong tanggalin sa banknotes ang imahen ng mga kilalang Pilipino, kabilang ang kaniyang titong si dating senador Ninoy Aquino at si dating pangulong Cory Aquino.
Matatandaang nitong Huwebes, Disyembre 19, nang ilabas ng BSP ang first Philippine Polymer Banknote series kung saan makikita ang mga bagong disyenyo ng ₱50, ₱100 at ₱500.
BASAHIN: ALAMIN: Ano nga ba ang makikita sa bagong disenyo ng polymer banknotes?
“Kailangan magpaliwanag ang Bangko Sentral sa desisyon nilang tanggalin ang mga imahe ng ating bayani at nakaraang Pangulo sa ating pera,” reaksyon naman ni Bam sa pamamagitan ng isang X post nitong Biyernes, Disyembre 20.
“Sila ay mga Pilipinong dapat tinutularan ng lipunan at hindi dapat binubura.”
Ayon pa sa dating senador, lalo lamang umanong “hinati ang bansa” ng naturang hakbang ng BSP na tanggalin sa banknotes ang “mahahalagang Pilipino.”
“Kung meron mang mga tao sa BSP na nag-isip na mas pabor sa Malacañang ang bagong disenyo na tinanggalan ng mga mahahalagang Pilipino sa ating kasaysayan, nagkakamali sila,” ani Bam.
“Sa panahon na kailangan ng pagkakaisa ng taumbayan, lalo lang nilang hinati ang bansa sa kanilang ginawa,” saad pa niya.