Matapos siyang purihin ng mga kapwa cast dahil sa kaniyang naging pag-arte sa kanilang horror film na “Strange Frequencies: Taiwan Killer Hospital,” ibinahagi ni Jane de Leon ang limang actresses mula sa ibang Metro Manila Film Festival (MMFF) entries na para sa kaniya ay deserving makasungkit ng “best actress” award.
Sa ginanap na press conference nitong Huwebes, Disyembre 19, tinanong ang female cast ng “Strange Frequencies” na sina Jane, Alexa Miro, at MJ Lastimosa na hypothetically kung nominated silang tatlo sa best actress, sino sa tingin nila ang mananalo.
Parehong si Jane ang naging sagot nina MJ at Alexa dahil napahanga raw sila sa galing nito sa pag-arte nang i-shoot nila ang “Strange Frequencies.”
“Mine-message ko ‘yan (Jane). Tine-text ko siya kapag after ng mga eksena namin tapos napapanood ko yung playback: ‘Ang galing-galing mo talaga, bakla!’ Ginaganon ko talaga siya,” kuwento ni MJ.
“Naa-amaze ako kasi nga first time ko siyang nakatrabaho at ngayon nakikita ko na talaga yung alam mo kung bakit nila siya piniling Darna, kung bakit ipinagkakatiwala sa kaniya yung mga roles na nakukuha niya. It’s being justified. Magaling talaga ‘yang badeng na ‘yan. Best actress ‘di ba?” dagdag niya.
In-express din ni Alexa ang kaniyang paghanga sa paraan ng pag-arte ni Jane, kung saan kahit wala raw diyalogo ay mararamdaman pa rin ang emosyon nito.
“The last time po na nagpo-promo kami, I even talk to her na parang: ‘Babe, how do you do that? How do you just let all your real emotions show?’ Parang kahit nakatitig lang siya, kitang kita mo na walang keber na lalabas yung fear kahit sa mata ka lang nakatingin sa kaniya,” saad ni Alexa.
Nagpasalamat naman si Jane kina MJ at Alexa, at maging sa lahat ng Cast ng Strange Frequencies dahil hindi naman daw niya magagampanan nang maayos ang kaniyang role kung hindi rin sa tulong ng mga ito.
Pagdating naman sa tanong kung sino ang nakikita niyang deserving maging best actress sa MMFF, sinagot ni Jane sina Judy Ann Santos na bida sa pelikulang “Espantaho,” Julia Barretto ng “Hold Me Close,” Nadine Lustre ng “Uninvited,” Julia Montes ng “Topakk,” at Vilma Santos na bida rin sa “Uninvited.”
“With other representative ng movies, ng mga actress, feeling ko Ms. Juday. It’s between Ms. Juday, Julia Barretto, Nadine, Julia Montes and Tita Vilma Santos. It’s either sa kanilang lima,” ani Jane.
Unang mapapanood ang 10 entries ng MMFF sa darating na Pasko, Disyembre 25.