January 23, 2025

Home FEATURES

ALAMIN: Ano nga ba ang makikita sa bagong disenyo ng polymer banknotes?

ALAMIN: Ano nga ba ang makikita sa bagong disenyo ng polymer banknotes?
PHOTO COURTESY: BSP/FB

Inilabas ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang first Philippine Polymer Banknote series kung saan makikita ang mga bagong disyenyo ng ₱50, ₱100 at ₱500. Gayunman, ano nga ba ang makikita sa mga bagong disenyo nito? 

Matatandaang nauna nang ilabas ang ₱1000 polymer noong 2022.

BASAHIN: Bagong disenyo ng ₱1,000 bill, inilabas ng BSP

Ang mga bagong pera ay sumasalamin sa pambansang yaman, kalikasan, at kultura ng Pilipinas, habang nagbibigay ng mas mataas na kalidad, kalinisan, at seguridad.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Ayon kay BSP Governor Felipe Medalla, ang bagong serye ng Philippine polymer banknote ay “simbolo ng pag-unlad at pagkakakilanlan ng ating bansa” at nagbibigay-pugay sa yaman ng likas na yaman ng Pilipinas at sa mga Pilipino bilang tagapangalaga ng kalikasan.

Bagong Disenyo ng Polymer Banknotes

Ang mga bagong polymer banknote ay nagtatampok ng disenyo ng mga hayop at halaman na endemiko sa Pilipinas, kapalit ng mga larawan ng mga bayani at dating pangulo na makikita sa lumang bersyon.

₱50 Polymer: Tampok ang Visayan leopard cat, na sumisimbolo sa liksi; at ang Vidal’s lanutan, isang endemic na bulaklak. Sa lumang bersyon, makikita si dating Pangulong Sergio Osmeña at ang Leyte Landing.

₱100 Polymer: Inilalarawan nito ang Palawan peacock-pheasant at Ceratocentron fesselii, isang endangered na orkidyas. Sa dating bersyon, tampok si dating Pangulong Manuel Roxas at ang BSP Complex.

₱500 Polymer: Makikita rito ang Visayan spotted deer at ang Acanthephippium mantinianum, isang endemic na orkidyas. Ang lumang bersyon ay nagtatampok kina dating Pangulong Corazon Aquino at dating Senador Benigno Aquino Jr.

Samantala sa ₱1000, itinampok naman nito ang Philippine eagle at ang sampaguita—ang pambansang bulaklak. Ang lumang bersyon ay may larawan nina Jose Abad Santos, Vicente Lim, at Josefa Llanes Escoda, kasama ang Tubbataha Reefs.

Mga Benepisyo ng Polymer bills ayon sa BSP

Ang polymer banknotes ay higit na mas matibay kaysa sa mga papel na banknote, kaya nababawasan ang gastos sa produksiyon at pagpapalit. Bukod dito, hindi ito madaling madumihan dahil sa makinis na tekstura na hindi nababasa ng tubig, langis, o kakapitan ng dumi. Higit pa rito, mas maikli ang pananatili ng mga bacteria at virus sa ganitong materyal.

Sa seguridad, mas mataas ang proteksyon ng polymer laban sa pamemeke dahil sa mas sopistikadong security features nito.

Pagtanggap at Sirkulasyon

Simula Disyembre 23, 2024, ang mga polymer banknote ay ilalabas sa limitadong dami sa Metro Manila. Sa Enero 2025, inaasahang magiging bahagi na ito ng sirkulasyon sa buong bansa. Pinaalalahanan ng BSP na magagamit pa rin ang papel na bersyon bilang lehitimong paraan ng pagbabayad.

Pagpapanatili ng Kultura at Kalikasan

Bukod sa pagtatampok ng hayop at halaman, makikita rin sa bagong banknotes ang mga disenyo ng tradisyunal na habi mula sa iba't ibang rehiyon ng bansa. Layunin nitong ipagmalaki ang makulay na tradisyon at yamang kultura ng Pilipinas.

Ang polymer banknotes ay sumasalamin sa diwa ng makabago ngunit makakalikasang pag-unlad ng Pilipinas habang pinapanatili ang mga elementong mahalaga sa ating kasaysayan at kultura.

Samantala, umani naman ito ng iba’t ibang reaksiyon mula sa mga netizens. 

“Please keep the design featuring our heroes as a constant reminder of their sacrifices, bravery, and patriotism. It is important for Filipinos to see and remember them so we can be reminded of their values of courage, selflessness, and love for our country.”

“Ayusin nyo rin ang mga barya, ang daming nalilito.”

“20 bills po gawa kau, mukhang asa alkansya mga 20 coins. Ang hirap po ng 20s dami kmi client na naghahanap ng 20s. Sa bank po ako nagwowork kya nakikita ko kakulangan ng 20s at coins.”

“Binago nyo n nman”

“Medyo hirap lang bilangin ng polymer po kasi parang nagdodoble siya dhil sa texture nya po..saka pakibago na rin yung piso at 5 pesos nakakalito kasi.”

“Sana po yong ,mga bayani ang nasa larawan ng salapi,para Naman maayos at maganda ang salapi ng filipinas,sila na din po Ang sinang unang mga bayani nakapagtukolan sa ating mga katipunan,at umupo bilang presidente ng ating bayan.”

“Endangered species ? dman lang naisama ang kalabaw as a sign of kasipagan, strength , steady, reliable.”

Mariah Ang