Ipinahayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na pinag-aaralan pa ng kanilang legal experts ang tungkol sa panawagang “clemency” para kay Mary Jane Veloso, ang Pilipinang nakulong at naihanay sa death row ng Indonesia ng halos 15 taon.
Sa panayam ng mga mamamahayag nitong Huwebes, Disyembre 19, sinabi ni Marcos na iiwan na niya ang desisyon sa kanilang legal experts kung mabibigyan ng clemency si Veloso.
"Malayo pa tayo doon. We still have to have a look really at what her status is and, of course, we are aware of the request for clemency from her representative, of course, her family," ani Marcos.
"We will leave it to the judgement of our legal experts to determine whether the provision of clemency is appropriate," dagdag niya.
Ayon pa sa pangulo, walang kondisyong ibinigay ang pamahalaan ng Indonesia hinggil sa pag-transfer ni Veloso sa Pilipinas.
"Wala namang kondisyon na ibinigay ang Indonesia. It's really up to us. But we're still at the very preliminary stage," saad ni Marcos.
Matatandaang nitong Miyerkules, Disyembre 18, nang makabalik si Veloso sa Pilipinas, kung saan mananatili siya sa Correctional Institution for Women sa Mandaluyong City.
Taong 2010 nang arestuhin si Veloso, na ngayon ay 39-anyos, sa Indonesia at sentensiyahan ng parusang kamatayan noong 2015 dahil umano sa pagtatangkang magdala ng 2.6 kilo ng heroin sa Indonesia.
Sa kaniyang paglilitis, iginiit ni Veloso na nalinlang lamang daw siya at hindi niya alam na may droga sa loob ng maletang dala-dala niya patungong Indonesia, na mula sa kaniyang recruiter.