January 23, 2025

Home FEATURES Human-Interest

Kilalanin si Doc Steve: doktor, negosyante, propesor, pastor, at ngayon lawyer pa!

Kilalanin si Doc Steve: doktor, negosyante, propesor, pastor, at ngayon lawyer pa!
Photos courtesy: Dr. Steve Bonilla/FB

Isang doktor mula Naga City, Camarines Sur ang kabilang sa 3,962 aspiring lawyers na pumasa sa 2024 Bar Examinations noong Disyembre 13.

Si Dr. Stephen Jo T. Bonilla, 48, ay hindi lamang isang General at Cancer Surgeon, kundi isa ring entrepreneur, professor, pastor at bagong abogado. Siya at ang kaniyang asawa na si Lei Bonilla ang may-ari ng The Coffee Table, isang kilalang coffee shop sa Naga City.

Madalas nating iniisip na ang tagumpay ay resulta ng talino o talento lamang. Ngunit sa likod ng bawat medalya at titulo, may kuwento ng sakripisyo, pananampalataya, at pusong hindi sumusuko.

Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Doc Steve, ibinahagi niya ang kaniyang sikreto at paglalakbay niya upang makamit ang tamis ng tagumpay.

Human-Interest

Una at pinakabatang Pinoy na nakalibot sa buong mundo, may payo sa future travelers: 'Learn Skills!'

Nagtapos si Doc Steve ng Bachelor of Science in Nursing sa Trinity University of Asia (dating Trinity College of Quezon City) sa E. Rodriguez. Nagpatuloy siya sa medisina at nagtapos sa St. Luke's Medical Center Quezon City, kung saan rin siya nag-specialize sa General Surgery.

Makalipas ang maraming taon, nagdesisyon siyang tahakin ang landas ng abogasya, sa Ateneo de Naga University College of Law, at ngayon ay handang harapin ang hamon ng legal profession matapos ngang makapasa sa Bar.

Sa kabila ng dami ng kaniyang responsibilidad, nananatili siyang organisado at matatag sa kaniyang mga adhikain sa buhay.

Ayon kay Doc Steve, hindi madali ang pagsabay-sabayin ang kaniyang mga tungkulin. Ngunit dahil sa mahusay at tamang time management, natutugunan niya ang lahat ng ito.

“Hindi siya technically or literally sabay-sabay. Kailangan siyang i-schedule at i-prioritize,” aniya.

Ang mga operasyon bilang surgeon ang inuuna niya, lalo na kung may emergency.

Samantala, ang pagiging pastor na bukod sa basic niyang responsibilidad ay puwedeng i-schedule ang ibang gawain gaya ng dawn prayer, preaching, discipleship, counseling, pagbisita sa may mga sakit, at pagdaraos ng mga kasal.Sinisigurado niya na napaglalaanan niya pa rin ng sapat na oras ang kaniyang responsibilidad sa simbahan.

Hindi naman ito nangangailangan ng agarang aksyon hindi tulad ng hospital duties, habang ang kaniyang coffee shop naman ay nagiging paraan niya para makapag-relax.

“Yung paggawa ng kape at yung pakikipag-usap sa mga tao ay nakakatulong sa pagtanggal ng stress,” dagdag niya.

Bukod sa medisina at negosyo, pinasok din ni Doc Steve ang larangan ng abogasya. Naging oportunidad ito sa kaniya noong pandemya nang magbigay ng scholarship ang kanilang simbahan.

Tatlong opsyon ang kaniyang pinagpilian: sub-specialty sa surgery, masters sa Christian leadership, at law. Napili niya ang huli dahil sa pangangailangan ng kanilang komunidad ng isang doktor na abogado.

“Wala akong kilalang doctor lawyer dito sa aming city,” saad niya.

Bukod dito, naisip din niyang ang pagiging abogado ay maaari pa rin niyang magamit kapag dumating ang panahong hindi na siya makakapag-opera.

“What if hindi ko na kayang mag-opera? Paano pa kaya ako magiging kapaki-pakinabang sa komunidad?” aniya pa.

Nananatili ang kaniyang malasakit sa kapwa. Ginagamit niya ang kaniyang kaalaman bilang doktor para tumulong sa medical missions, lalo na sa mga nangangailangan.

Bilang abogado, pangarap din niyang maitaguyod ang hustisya at makatulong sa mga nangangailangan nito para sa mga hindi kayang magbayad ng legal fees kaya ito ang nag-udyok sa kaniya upang kumuha ng abogasya.

Hamon ng paghahanda sa Bar Exams

Sa kabila ng pagiging abala, inihanda ni Doc Steve ang sarili para sa bar exams simula pa lamang ng kaniyang unang taon sa law school.

“Kailangan everyday, mamaster ko yung tinuturo sa amin,” aniya.

Sinunod niya ang prinsipyo ng “Starting with the end in mind” para matiyak na maayos ang pundasyon ng kaniyang kaalaman.

Nag-aral siya sa online review centers at gumamit lamang ng dalawang review materials upang maiwasan ang pagkalito. Malaking tulong din ang mahusay niyang pagplano at pagtatakda ng oras para sa bawat subject, lalo na sa mga mahihina siya.

Sa mismong linggo ng Bar exams, tiniyak niyang nasa mabuting kalusugan siya. Ngunit dalawang araw bago ang bar exams, nagkaroon siya ng dalawang emergency surgical procedures.

“Nakakatulong din pala iyon para hindi ako kabahan sa exam,” aniya.

Hindi lang ang mga responsibilidad niya sa kaniyang kasalukuyang kinabibilangang propesyon ang naging hamon sa kaniya kundi pati na rin ang oras niya para sa mga mahal niya sa buhay.

“May mga pagkakataong nasakripisyo ko ang oras ko para sa pamilya,” amin niya.

Ang mga birthday, reunions, at iba pang okasyon ay minsan niyang hindi nadaluhan dahil sa law school at iba pang obligasyon. Ngunit sa halip na panghinaan ng loob, ipinaliwanag niya ito sa kaniyang pamilya at naging mas bukas tungkol sa kaniyang mga pangarap.

Sa tulong ng kanyang asawa at senior pastor na nagbigay ng sabbatical leave, nabawasan ang bigat ng kanyang mga gawain.

Pagkatapos ng Tagumpay sa Bar Exams

Matapos ang lahat ng hamon, nanatili siyang mapagpakumbaba at itinataas sa Panginoon kung kaloob ba Niya sa kaniya ang ninanais ng kaniyang puso.

“Lord, ginawa ko na yung best ko... sinusurrender ko sa inyo ang aking sagot,” pagbabahagi niya

Hindi rito natatapos ang kaniyang misyon. Plano niyang ipagpatuloy ang pagtuturo sa kolehiyo upang maihanda ang mga kabataan para sa mas maayos na kinabukasan.

“Habang kaya ko pa mag-opera, ipagpapatuloy ko rin ang surgical procedures,” dagdag niya.

Excited din siya sa posibilidad na magturo sa College of Law at mag-practice ng law, partikular sa mga medical cases at arbitration, isang larangan kung saan maaaring mabawasan ang stress at gastos ng court proceedings.

“At siyempre, hindi mawawala ang paggawa ng masarap na kape bilang paraan ng relaxation.” ani Doc Steve

Alin ang mas mahirap, medisina o abogasya?

Nang matanong kung ano ang mas mahirap sa dalawang degree na kaniyang pinasukan. Inamin ni Doc Steve na mas higit na naging mapanghamon sa kaniya ang abogasya.

“Parehas silang mahirap,” sagot niya.

Naging mas hamon ang pagkuha ng abogasya dahil sa dami ng responsibilidad habang nag-aaral.

“Sa medicine, single pa ako noon at nakapokus lang sa pag-aaral. Pero sa law, kailangan kong magsikap kahit sa pagitan ng oras—nagbabasa habang nag-aalmusal, o habang inaantay ang anesthesia ng pasyente sa surgery,” kuwento niya.

Payo para sa mga gustong Magtagumpay

Ayon sa kaniya, mahalagang unahin ang pagkakaroon ng malinaw na layunin.

“Kailangan naka-align ang ating goals sa plano ng Diyos, sabi rin sa Matthew 6:33 na “Seek first the kingdom of God and His righteousness, and all these things will be added to you.” paliwanag niya.

Mahalaga raw talagang unahin ang Diyos at ang Kaniyang kalooban at yung tagumpay susunod na lang ayon sa Kaniyang biyaya.

Dagdag pa niya, ang pagkakaroon ng vision at mission sa buhay ay malaking tulong upang manatili sa tamang direksyon.

“Alamin ang priorities at matuto mula sa karanasan ng iba,” aniya pa.

Ngayon, patuloy na pinagsasabay ni Doc Steve ang kaniyang mga responsibilidad bilang doktor, propesor, pastor, at entrepreneur. Handa na rin siyang harapin ang responsibilidad bilang bagong abogado.

Sa edad na 48, patuloy siyang nangangarap. Isa sa kaniyang layunin ay ang maipamana ang disiplina, kasipagan, at pagmamahal sa pag-aaral sa kanyang mga anak.

“Nais kong maging inspirasyon sa kanila na magpatuloy sa paglilingkod sa kapwa,” aniya.

Sa kabila ng tagumpay, hindi niya pinipilit ang kaniyang mga anak na sundan ang kaniyang yapak.

“Ang sinasabi ko sa kanila ay kung ano yung gusto nilang gustong-gusto nilang gawin. Yung kahit hindi sila bayaran ay gagawin pa rin nila kasi nga gusto nilang gawin iyon. That becomes not anymore a work but maeenjoy nila yung service na gagawin nila.” lahad niya.

Sa kabila ng abalang buhay, nagsisilbi siyang inspirasyon sa iba bilang patunay na sa tamang diskarte, panalangin, at dedikasyon, walang imposible.

Pagbati, Atty. Doc Steve! Tunay na isa kang inspirasyon!

Mariah Ang