Patay ang isang bagong lisensyadong guro matapos siyang pagbabarilin sa barangay road sa Inug-ug, Pikit, Cotabato noong Miyerkules, Disyembre 18, 2024.
Batay sa ulat ng ABS-CBN News nitong Huwebes, Disyembre 19, ang tama ng bala sa kaniyang ulo ang ikinamatay ng biktima, na halos anim na araw pa lamang daw mula nang makapasa ito sa Licensure Examination for Teachers.
Bukod sa pagiging guro na nagtuturo sa isang pribadong paaralan sa kanilang lugar, ay barangay treasurer din daw ang biktima.
Ayon sa ulat ni P/Major Arvin John Cambang, Chief of Police ng Pikit Municipal Police Station, dalawang mga hindi pa nakikilalang suspek daw ang nagpaulan ng bala sa biktima kung saan ayon sa pulisya ay nasa anim na basyo raw ang kanilang na-recover sa crime scene.
“Talagang trabaho niya po he is a barangay treasurer of Barangay Macabual, Tugunan SGA BARMM. Iyon nga po sa ating imbestigasyon kahapon habang papauwi itong ating biktima ay pinagbabaril ng dalawang hindi kilalang suspek and nakarekober po tayo ng anim na basyo ng bala believed to be caliber 9mm, so iyong ating biktima po is agad dinala sa bahay pagamutan para ma-save pa po siya natin siya. Unfortunately he expired immediately, he was brought by his family to his residence for burial rites” ani Cambang.
Iginiit din ni Cambang na may nakikita na raw silang motibo ng pagpaslang sa biktima at maaaring persons of interest.
“Sa ating follow-up investigation po natin is meron na po tayong tinitingnan na posibleng motibo nito. Iyong isang motibo na tinitingnan is community-engaged violence, mayroon na po tayong persons of interest and still we are gathering information and evidences para maka-file na tayo ng kaso laban sa mga suspek,” saad ni Cambang.