December 20, 2024

Home FEATURES

ALAMIN: Mga depinisyong dapat malaman tungkol sa AKAP

ALAMIN: Mga depinisyong dapat malaman tungkol sa AKAP
Photo courtesy: DSWD/website

Naging kontrobersyal ang Ayuda Para sa Kapos ang Kita Program (AKAP) matapos itong umani ng samu’t saring reaksiyon nang maisapinal ng Senado at Kamara ang tinatayang ₱25 bilyong pondo nito para sa 2025 national budget.

Kasunod nito, inihayag naman ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pagpapasimple raw nila ng mga requirements para sa mga indibidwal na maaaring maging benepisyaryo ng naturang programa. 

KAUGNAY NA BALITA: DSWD, mas pinasimple requirements para sa AKAP

Ang AKAP ay isang programa sa ilalim ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na naglalayong tugunan daw ang maliit na kita ng mga “minimum wage earners” kasunod ng patuloy umanong pagtaas ng inflation sa bansa. 

Tourism

ALAMIN: Mga puwedeng pasyalan sa Metro Manila sa Pasko at Bagong Taon

KAUGNAY NA BALITA: ALAMIN: Ano nga ba ang AKAP at sino ang mga benepisyaryo nito?

Ngayong nakalatag na ang pondong dapat ay nakalaan na raw sa AKAP at kasado na rin ang muling pagpapadali sa pagkuha ng mga requirements upang maging benepisyaryo, narito ang ilan sa mga terminolohiyang dapat maunawaan ng mga nagnanais makatanggap ng ayuda mula sa naturang programa. 

Batay sa Memorandum Circular No. 34 ng DSWD, nahahati raw sa dalawang sektor ang panggagalingan ng mga benepisyaryo kung saan nakabatay din dito ng mga dokumentong kailangang maipasa ng isang indibidwal. 

Ang formal at informal economy

Paano nga ba malalaman ng isang aplikante kung sila ay mula sa formal o informal sector?

Ayon sa DSWD, masasabing galing sa formal sector ang aplikante kapag ito ay nagtatrabaho sa mga sektor na rehistrado sa pamahalaan at ang operasyon operasyon at saklaw ng “employee-employer relationship.”

Samantala, informal sector naman ang tawag sa uri ng mga trabahong hindi saklaw ng formal labor. Katulad na lamang ng mga tindera, self-earning individuals at iba pa na walang nakakasaklaw na employer.

Ang low-income at minimum wage earners

Tila maka-ilang beses nababanggit na ang AKAP ay para daw sa mga low-income at minimum wage earners. Ngunit ano nga ba ang pinagkaiba nito kung pareho rin silang kapos at kinikita kung kaya’t nais itong tugunan ng naturang programa? 

Ang low-income earners ay mga taong mas mababa pa ang kinikita sa itinakdang minimum wage ng isang rehiyon. Habang ang mga minimum wage earners naman ay ang mga kumikita ng sakto lang sa itinakdang minimum wage ng isang rehiyon ngunit hindi ito sumasapat para sa kanilang pangangailangan. 

Ang Case Summary at Certificate of Eligibility 

Upang mapabilang sa mga benepisyaryo ng AKAP kailangan munang magkaroon ng isang aplikante ng tinatawag na “case summary” at “certificate of eligibility.” 

Ang case summary ay isang dokumento na inihahanda ng isang social worker bilang parte ng kanilang assessment kung ang isang indibidwal ba ay maaaring tumanggap ng ayuda mula sa AKAP.

Certificate of Eligibility naman ang tawag sa ibinibigay ng DSWD kapag ang isang indibidwal ay maaaring tumanggap naman ng ayuda mula sa nasabing programa. 

Ilan lamang ito sa mga karaniwang terminolohiyang kalimitang nauugnay sa usapin ng AKAP. Ikaw, sang-ayon ka ba sa mga hinihingi nito sa aplikante bago tuluyang makatanggap ng ayuda?