Nangunguna sa listahan ng mga personalidad na inirerekomenda ng House quad-committee (quad-comm) na makasuhan ng "crimes against humanity" sina dating Pangulong Rodrigo Duterte, Senador Bong Go, at Senador Ronald "Bato" Dela Rosa, kaugnay pa rin sa isyu ng war on drugs sa panahon ng administrasyon ng una, na nagsimula noong 2016.
Inilahad ni Quad-comm overall chairman Surigao del Norte 2nd district Rep. Robert Ace Barbers ang paunang ulat ng komite sa naganap na plenary session, Miyerkules, Disyembre 18, na huling sesyon ng taon.
Ayon kay Barbers, ang nabanggit na mga personalidad ay "perpetrators of crimes against humanity" sa ilalim ng Section 6 ng Republic Act (RA) No.9851 o Philippine Act on Crimes Against International Humanitarian Law, Genocide and other Crimes against Humanity.
Bukod sa kanila, nabanggit din sa rekomendasyon sina dating Philippine National Police (PNP) chief Oscar Albayalde at Debold Sinas; mga retiradong police colonels na sina Royina Garma at Edilberto Leonardo, at dating Malacañan aide na si Irmina "Muking" Espino.
Iminungkahi rin ng komite ang pagsasagawa ng imbestigasyon laban kay Davao City Lone Representative Rep. Paolo Duterte na iniuugnay naman sa isyu ng ilegal na drug trade.
Matatandaang nagkaroon ng pagdinig ang House quad comm kaugnay sa mga isyung iniuugnay sa administrasyon ni Duterte gaya ng extra-judicial killings (EJK), money-laundering, pagbebenta ng ilegal na droga, at mga usapin ukol sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).