Inihayag ng Malacañang na ipagpapaliban ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ang paglagda ng 2025 national budget na inaprubahan ng Senado at Kongreso.
Sa inilabas na opisyal na pahayag ng Office of the Executive Secretary nitong Miyerkules, Disyembre 18, 2024, inihayag ni Executive Secretary Lucas Bersamin na hindi matutuloy ang paglagda ng Pangulo sa naturang 2025 national budget na dapat ay nakatakda sa Disyembre 20.
“The scheduled signing of the General Appropriations Act on December 20 will not push through to allow more time for a rigorous and exhaustive review of a measure that will determine the course of the nation for the next year,” ani Bersamin.
Nilinaw din ni Bersamin na si PBBM na raw ang mangnunguna sa muling pagsasaaayos ng 2025 national budget, kasama ang ilang pinuno ng iba’t ibang departamento.
“The ongoing assessment is being led by the President himself, in consultation with the heads of major departments,” saad ni Bersamin.
Matatandaang naging kontrobersyal ang pagsasapinal ng bicam sa 2025 national budget noong Disyembre 11 matapos itong umani ng samu’t saring reaksiyon mula sa taumbayan, nang tampyasan nito ng ₱12 bilyong pondo ng Department of Education (DepEd) at “zero subsidy” naman para sa PhilHealth.
KAUGNAY NA BALITA: PBBM, reremedyuhan kinaltasang budget ng DepEd – Angara
KAUGNAY NA BALITA: Poe sa pagbibigay ng 'zero subsidy' sa PhilHealth sa 2025: Tinuturuan natin sila ng leksyon
Samantala, kinumpirma din ni Bersamin ang posibilidad na maaari daw tuluyang i-veto ni PBBM ang ilan sa mga probisyong nakasaad sa 2025 national budget, bagama’t hindi naman nabanggit ng kalihim kung kailan ito malalagdaan ng Pangulo.
“While we cannot yet announce the date of the signing, we can now confirm that certain items and provisoins of the national budget bill will be vetoed in the interest of public welfare, to conform with the fiscal program, and in compliance with laws,” paglilinaw ni Bersamin.