December 18, 2024

Home FEATURES Human-Interest

#BalitaExclusives: Kilalanin mga imbentor ng Walking stick with GPS and sensor para sa visually impaired

#BalitaExclusives: Kilalanin mga imbentor ng Walking stick with GPS and sensor para sa visually impaired
Photos courtesy: Harold Aldaba/FB

Isang grupo ng apat na Computer Engineering students mula STI College Ortigas-Cainta ang nakabuo ng isang makabagong walking stick na may GPS, obstacle detection sensor, at money bill identifier. 

Ang apat na engineering students ay sina Harold Aldaba, John Patrick Mendros, Herault Aguirre, at John Christian Marquez.

Layunin ng proyektong tulungan ang mga visually impaired, partikular ang mga massage worker, upang magkaroon sila ng mas maayos na karanasan sa pang-araw-araw na trabaho.

MAKI-BALITA: Walking stick na may GPS at sensor, inimbento ng engineering students

Human-Interest

San Rafael sa Bulacan, bagong record holder sa Guinness World Record!

Sa eksklusibong panayam ng Balita kay isa sa mga imbentor,, inilahad niya ang mas detalyadong dahilan sa pagkakabuo nila ng nasabing imbensyon.

Ayon sa isa sa mga imbentor, ang inspirasyon sa likod ng kanilang proyekto ay nagsimula sa mga blind massage therapist sa Antipolo. 

Bukod dito, naging inspirasyon din nila ang ilang visually impaired na nakilala sa Pasig at Cainta, pati na ang kamag-anak ng isa sa kanila na isa ring massage worker.

"Gusto naming makatulong sa kanila para mas madali ang hanapbuhay nila araw-araw," ayon kay Mendros.

Ibinunyag ni Mendros na may kinaharap din silang mga pagsubok habang binubuo ang imbensyon.

Hindi naging madali ang paggawa ng walking stick. Dumaan ito sa mahigpit na alpha testing para tiyaking matibay at maaasahan ang bawat bahagi nito. 

“Medyo nahirapan kaming pagkasyahin ang mga components sa 3D-printed na lalagyan,” aniya.

Naging hamon din ang bigat ng cane noong una, kaya’t pinalitan nila ang ilang bahagi, tulad ng paggamit ng mas magaang materyales.

Bagama't matagumpay ang prototype, marami pa silang nais idagdag sa hinaharap. Isa sa mga balak nilang baguhin ay ang obstacle sensor at money bill identifier—gagawin nila itong vibration-based imbis na buzzer upang mas epektibo ito sa maingay na lugar. 

Pinaplano rin nilang pahabain ang walking stick para sa mas komportableng paggamit, base sa feedback ng kanilang mga user.

Ayon sa grupo, nais nilang gawing accessible ang kanilang imbensyon sa mas maraming visually impaired na Pilipino. 

Bagama't limitado ang kanilang pondo noong ginagawa ang prototype, naniniwala silang may potensyal ang kanilang proyekto. 

“Maraming gustong makipag-collab sa gobyerno, at kung may pagkakataon, bakit hindi?” dagdag pa niya.

Pagpapahalaga sa indibidwalidad

Ang walking stick na ito ay hindi lamang teknolohikal na imbensyon, kundi simbolo ng malasakit at pagsuporta sa mga bulag na manggagawa. 

“Gusto naming tulungan sila na magkaroon ng sense of individuality sa kabila ng kanilang kapansanan,” pahayag ng grupo.

Sa kabila ng mga hamon, nananatili ang kanilang dedikasyon na pagbutihin ang proyekto upang mas maraming buhay ang kanilang maapektuhan sa hinaharap.

Ayon pa kay Patrick, sa kasalukuyan ay katatapos lamang daw ng grupo sa kanilang thesis defense patungkol sa kanilang nalikhang imbensyon. 

Mariah Ang