December 22, 2024

Home BALITA National

Sen. Imee, nanawagan kay PBBM: 'Lahat kami ay nangangapa sa dilim!'

Sen. Imee, nanawagan kay PBBM: 'Lahat kami ay nangangapa sa dilim!'
Photo courtesy: Sen. Imee Marcos, Bongbong Marcos/Facebook

Naglabas ng pahayag si Sen. Imee Marcos hinggil sa isyu ng Ayuda Para sa Kapos ang Kita Program (AKAP) kaugnay ng naisapinal na desisyon ng Senado at Kamara.

Sa kaniyang opisyal na Facebook account, inihayag ng senadora ang kaniyang pagsusumamo umano sa kaniyang kapatid na si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. bago raw nito tuluyang pirmahan ang nasabing 2025 national budget.

KAUGNAY NA BALITA: ALAMIN: Ano nga ba ang AKAP at sino ang mga benepisyaryo nito?

“Minabuti ko munang maghanap ng mga papeles at dokumento bago sana magsalita at magbigay ng reaksiyon- ngunit sa kasamaang-palad, lahat kami ay nangangapa sa dilim. Walang mga detalye o paliwanag, ni walang konkretong numero. Ang tanging hawak ko ay ang ilang datos ng DSWD na talagang nilapastangan, lalo na itong PhilHealth.” anang senadora. 

National

Romina, patuloy na kumikilos patungong Southern Kalayaan Islands

Nanindigan din si Sen. Imee na hindi raw siya pipirma sa Bicam report at iginiit na ito raw ay nagsusulong umano na magtapyas lang daw ng pondo mula sa mga totoong proyekto ng gobyerno.

“Ganunpaman, sinisiguro ko sa taumbayan na hindi ako pipirma sa kahit anong papel hinggil sa badyet ng 2025, o sa Bical report niyan, na nagsusulong magbawas ng pera sa mga lehitimong proyekto para lamang dito sa AKAP- na tinutulan ko na! Paano naman ako pipirma sa blangko't kulang-kulang na papel?” ani Sen. Imee. 

BASAHIN: 4Ps at AICS, dapat pinagtuunan ng pansin kaysa AKAP—Sen. Pimentel

Kasunod nito, nakiusap ang senadora kay PBBM, na pakinggan daw ang kaniyang boses kasama umano ang hinaing ng taumbayan.

“Nananawagan ako sa aking kapatid, ang ating mahal na Pangulong Bongbong- kung mahina ang aking boses mag-isa, ngayon nawa ay marinig mo ang sama-samang sumamo ng taumbayan,” saad ng senadora.

Dagdag pa niya: “Noong ikaw ay nag-SONA, nagsabi ka ng mga proyektong dapat unahin- ngayon, sinusuway ka ng ilang taong akala mong makabubuti para sa'yo at sa abayan.”

Dapat din daw bantayan ng Pangulo ang pondo ng pamahalaan at diretsahang iginiit ang panghihimasok daw ng Kamara sa ilang departamento at sangay ng gobyerno.

“Nakikiusap ako, pakitutukan mo ang isyu ng pondo at badyet; at ipaalala na ang pakikialam ng mga mambabatas sa ilang departmento at sangay ng gobyerno ay labag sa batas at sa konsensya ng tao,” saad ni Sen. Imee. 

Sa huli, isinaad din ng senadora na ayaw niya lang daw na mapahamak ang pamumuno ng kaniyang kapatid at sinabing mag-ingat daw sa kaniyang mga pinagkakatiwalaan. 

“Ayaw kitang mapahamak, ayaw kong mabigo ang pamamahala mo. Mag-ingat tayo sa mga pinagkakatiwalaan at pakinggan ang boses ng taumbayan para sa kapakanan ng mas nakararami at nangangailangan.”