Pinaalalahanan ng isang opisyal ng maimpluwensiyang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang mga Katoliko na bawal ang pagkain at pagse-cellphone sa loob ng mga simbahan, partikular na kung nagdaraos ng Banal na Misa.
Ang paalala ay ginawa ni Fr. Jerome Secillano, rector ng EDSA Shrine at siya ring executive secretary ng Episcopal Commission on Public Affairs (ECPA) ng CBCP, kasabay ng pagsisimula na ng Simbang Gabi nitong Lunes, Disyembre 16.
Ayon kay Secillano, ang pagkakaloob ng buong atensyon sa pagdaraos ng banal na misa, kahit hindi Simbang Gabi, ang pinakamataas na uri ng pagsamba.
Paalala pa niya, sa panayam sa Teleradyo, “Kahit hindi naman Simbang Gabi, dapat hindi tayo kumakain sa loob ng simbahan, hindi umiinom ng tubig, hindi nagti-tinker sa cellphone kasi gusto natin ng active and full participation ng tao doon sa misa.”
“It’s not just rational but the proper thing to do. Pumunta naman tayo ng simbahan para magdasal. Hindi naman tayo pumunta doon para kumain o mag-relax lang. Tapos nakikipagkwentuhan pa tayo sa kaibigan natin. ‘Yung undivided attention ipakita natin because it is the highest form of worship,” paliwanag pa niya.
Kasabay nito, ikinatuwa naman ni Secillano na maraming tao ang dumalo sa unang araw ng Simbang Gabi, dahil bahagi na aniya ito ng ating Christmas tradition.