Sibling goals ang hatid ng magkapatid na Richard at Lianne Joy Olano mula sa Capiz matapos nilang makapasa sa kanila-kanilang board exams batay sa kanilang pinagtapusang propesyon.
Sa kabila ng mga hamon ng buhay, pinatunayan nilang posible ang sabay na tagumpay—si Richard ay naging 10th placer sa Philippine Nurses Licensure Exam noong Nobyembre 2024, habang si Lianne Joy naman ay kabilang sa mga bagong abogado matapos ang Bar Exams nitong Disyembre 2024.
Sa eksklusibong panayam ng Balita sa magkapatid, ibinahagi nila ang kanilang nakaaantig na journey patungkol sa matagumpay na pag-abot sa kanilang mga pangarap.
Ayon sa kanila, hindi naging madali ang daan patungo sa kanilang tagumpay.
“More than the physical demands of months of reviewing for the board and bar exams, the mental strain, particularly the anxiety and pressure, was a challenge for us. To overcome it, we maintained an open line of communication, processing our emotions,” ani Richard.
Pamilya at Pananampalataya: Sikreto ng Tagumpay
Para sa magkapatid, naging mahalaga ang suporta ng kanilang pamilya sa kanilang paglalakbay. Ang kanilang mga magulang na sina Richard Sr. at Lilian, pati na ang panganay nilang si Richelian, ay nagsilbing sandigan sa kanilang tagumpay.
“They were our prayer warriors and primary source of inspiration in this journey. They provided both financial and emotional support as well, which made our journey much easier,” dagdag pa ni Richard.
Hindi rin maikakaila ang malaking bahagi ng kanilang pananampalataya sa kanilang tagumpay. Bawat araw, sabay nilang ginagawa ang kanilang novena para kay St. Jude Thaddeus hanggang sa araw ng kanilang pagsusulit.
“Faith has the power to move mountains. When you pray for the desires of your heart and take action, the Lord will grant it in His perfect time,” pagbabahagi ni Lianne Joy.
Magkapatid na accountability partners
Naging accountability partners ang magkapatid, na nagbantay sa isa’t isa para masigurong pareho silang naka-focus sa kanilang layunin.
“We carefully managed our time in the days leading up to the board and bar exams, sticking to our study routines and schedules,” ani Lianne Joy.
Ngunit aminado rin silang maraming beses na nilang naramdaman ang pagod at halos sumuko na.
“But each time, we thought of the sacrifices made by our Papa, Mama, and Ate to send us to good schools and allow us to pursue our dreams,” saad ni Richard.
Payo para sa mga susunod na exam takers
Sa kabila ng hirap ng review season, nananatili silang positibo para sa mga nagnanais ding maabot ang tagumpay.
“The journey will not be easy, but it will be worth it. Keep going po at have faith in your God. Trust His timing and His plans,” ani Richard.
Bilang praktikal na payo, hinikayat nila ang mga future board at Bar exam takers na magplano nang maaga at magkaroon ng malinaw na layunin.
“Set a goal, create a routine around that goal, manage your time wisely, don’t forget to take care of yourself, and declare and manifest your success,” dagdag pa ni Lianne Joy.
Plano para sa kinabukasan
Ngayong parehong lisensyado, nais ng magkapatid na magbigay ng ambag sa pagpapabuti ng kalagayan ng bansa, partikular na sa larangan ng healthcare at hustisya.
“Coming from a very humble town, we want to contribute to the improvement of the public healthcare and justice system of the country. Napakaraming Pilipino ang nangangailangan ng tulong, and we want to be of service to them,” sabi ni Richard.
Inspirational message para sa lahat
Ang tagumpay nina Richard at Lianne Joy ay patunay na ang suporta at pagmamahal ng pamilya, kasabay ng pananampalataya, ay makakabuo ng isang magandang kinabukasan.
Sa mga Pilipinong may sariling pangarap, iniwan nila ang mensaheng ito:
“The weight of achieving your dreams feels lighter when you have someone by your side, offering genuine love and support—your sibling. Kaya if you have a dream, work for it, set your mind on it, pray and manifest it.” ani ng magkapatid na Olano.
Mariah Ang