December 16, 2024

Home BALITA National

Ilang mambabatas, dinepensahan budget cut sa 2025 national budget

Ilang mambabatas, dinepensahan budget cut sa 2025 national budget
Photo courtesy: House of Representatives/Facebook

Dumipensa ang ilang mambabatas hinggil sa kontrobersyal na budget cut para sa 2025 national budget.

Sa isinagawang press briefing ng Kamara nitong Lunes, Disyembre 16, 2024, naglabas ng kani-kanilang tindig ang ilang miyembro ng House of Representatives kaugnay ng naisapinal na pondo mula sa desisyon ng bicam. 

Para kay House Assistant Majority Leader Jude Acidre, kinakailangan daw na timbangin ang kapasidad ng bawat ahensya na gastusin ang pondong inilalaan sa kanila. 

"Hindi lang natin tinitingnan ang anong kailangan pag-gastusan, inaaral din natin ano ang kapasidad ng ahensyang ito gastusin yung perang binigay sa kanila. And the numbers won't lie… Congress simply had to do this very delicate work of balancing interests, lalong-lalo na kung limitado ang fiscal space available sa atin," ani Acidre.

National

House Resolution para sa Presidential Pardon ni Mary Jane Veloso, isinulong!

Sinilip naman ni Zambales 1st District Representative Jefferson Khonghun ang nangyari daw sa Department of Education (DepEd) noon sa ilalim ng pamumuno ng dating kalihim nito na si Vice President Sara Duterte. 

" Kailangan din natin tingnan yung utilization rate ng DepEd, dahil kailangan din naman nila i-explain lalong-lalo na yung kanilang computerization program, na sinasabi nga na hindi napondohan, pero pinondohan kasi natin ‘yan noong panahong ang secretary si Vice President Sara Duterte. Nakita naman natin yung nangyari, ang dami-daming laptops na nasa warehouses pa, na actually hindi pa nade-deliver. Kailangan i-explain muna nila yung mga programa, kung paano nagamit yung perang ibinibigay sa kanila ng ating pamahalaan. Kasi hindi naman pwedeng bigay na lang tayo nang bigay nang hindi nila na-aaccount kung paano nila ginamit yung pondo,” saad ni Khonghun.

Kaugnay naman ng zero subsidy sa PhilHealth, iginiit ni Acidre na kinakailangan daw munang ayusin ng ahensya ang paggamit nito ng kanilang pondo.

"Based on the assessment of Congress, they have more than enough funds to cover for at least next year. Kasi kung dadagdagan natin ulit yun, edi lalaki ulit yung inefficiency. We’re not saying that we’re not going to fund PhilHealth forever... sinasabi lang natin, ayusin natin, habang ganito lang,”giit ni Acidre. 

Matatandaang hindi naglaan ang bicam ng pondo para sa PhilHealth dahil may natitira pa raw itong "reserve fund" mula pa noong 2023. 

KAUGNAY NA BALITA: PBBM sa ‘zero subsidy’ ng PhilHealth sa 2025: 'They have sufficient funds to carry on!'

Samantala, sa panayam naman ng media kay Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr., tiniyak niyang isasaayos daw nila ang nabawas na bilyong pondo para sa DeEd, bago tuluyang lagdaan ang naturang panukalang budget sa 2025.