Magandang balita dahil makatatanggap ng ₱20,000 Service Recognition Incentive (SRI) ang mga teaching at non-teaching personnel ng Department of Education (DepEd).
Ayon sa DepEd, alinsunod na rin sa direktiba ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr., nagtulungan sina Education Secretary Sonny Angara at Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah Pangandaman upang maipagkaloob ang buong halaga na ₱20,000 SRI para sa mga empleyado ng DepEd para sa taong 2024.
Nabatid na ito ang kauna-unahang pagkakataon na makatatanggap ang mga staff ng ahensiya ng pinahihintulutang maximum grant.
Sinabi ng DepEd na kasunod ng paglalabas ng Administrative Order No. 27 ng Office of the President, kaagad na sinimulan ng DepEd ang pagproseso ng mga kinakailangang requirements para sa disbursement ng SRI 2024, na anilang pinakamalaki sa kasaysayan para sa DepEd.
Nagpasalamat naman si Angara kina Marcos at Pangandaman dahil sa pagtiyak na ang lahat ng mga guro at mga non-teaching personnel ay mabibigyan ng pinahihintulutang full SRI para sa kanilang hindi matatawarang commitment sa basic education.
“This is a historic moment for DepEd, as we are able to grant the highest SRI ever for our workforce. We are deeply grateful to President Marcos Jr. for his steadfast support in prioritizing the welfare of teachers and staff who serve as the backbone of the education sector,” ayon kay Angara.
“We also thank DBM Secretary Amenah Pangandaman for working with us to provide this incentive to our personnel. It is a testament to how much we value the dedication and sacrifices of our education frontliners, especially as they continue to ensure learning excellence amidst all challenges,” aniya pa.
Nabatid na kasunod nang pagre-release ng DBM Circular Letter at DepEd Memorandum sa FY 2024 SRI, ang pondo para sa SRI ay sisimulan nang i-download sa Regional Offices (ROs) sa Disyembre 20, 2024, para sa agarang disbursement nito.