May Christmas wishlist na ba ang lahat?
Tila ramdam na nga ang diwa ng Kapaskuhan lalo’t nagsimula na rin ang Simbang Gabi, na hudyat ng pagsapit ng Pasko.
Kaya naman ngayong kabi-kabila na ang mga Christmas party, tiyak na muli na namang nabuhay ang “Monito at Monita” at exchange gift. Mapa-estudyante at propesyonal naman, tila lahat naman ay naghihintay na may ma-unbox.
Sa mabilis na pagbabago ng mga umuusong panregalo sa tuwing Pasko, tanda n’yo ba ang tipikal na exchange gift “starter pack noon?”
Kalimitang nagsisimula noon ang halaga ng mga pang-exchange gift sa ₱50 hanggang ₱300. Bago pa magkaroon ng mga online shopping platforms, ay halos nakikipagsiksikan pa nga ang iba sa mga palengke upang makabili ng mga panregalo na may kasama pang libreng pabalot o gift wrap.
Ang exchange gift starter pack noon
Coffee Mug/Baso set
Walang binatbat ang mga makukulay at naglalakihang mga tumbler noon sa ‘ika nga nila’y “number one go to gift” sa tuwing sasapit ang Christmas party—ang mahiwagang baso, tasa, coffee mug, na may kasama na ring kutsara o kutsarita.
Tila parte na nga yata ito ng childhood memories ng marami dahil sino nga ba ang hindi nakatanggap o nagbigay ng ganitong pang-exchange?
Picture Frame/Photo Album
Sino nga rin ba ang hindi napeke sa malaki at malapad na regalong nakabalot sa Christmas gift wrap at nabiktima ng “expectation vs reality?” Isa na yata ang ang picture frame sa mga pinangingilagang mabunot noon sa exchange gift.
Face Towel/Panyo
Tila may “love-hate” relationship naman ang ilan sa tuwing nakatatanggap ng face towel o hindi naman kaya ay panyo. Lalo na nang umuso noon ang isang sikat na towel mula sa isang brand na may iba’t ibang kulay. Bukod kasi sa ginawa rin itong number one exchange gift idea, ay naging pang-souvenir din ito sa mga olats sa raffle.
Pocket Notebooks/Journals
Hindi rin puwedeng mawala sa listahan ang mga notebook o journals na kalimitang may mga quotes pa sa cover page. Perfect nga raw itong pang-exchange gift para sa kababaihan noon dahil bilang pang-diary o listahan ng mga “anek-anek” noon.
Pencil Case
May nakakatanda pa kaya sa mga nakakuha ng pencil case sa exchange gift na sobrang plain ang design? O kaya naman yung mga nakipagpalit pa ng design sa kaniyang kaibigan? Pero useful din naman daw kasi ang pencil case, lalo na sa mga estudyante na halos linggo-linggo na lang ay nawawalan ng ballpen o hindi naman kaya ay lapis.
Domo Sling Bag
Taob ang labubu craze ngayon sa umuso noong “Domo” sling bag na hindi nga lang pang-exchange gift ideas, kundi naging parte nga rin noon bilang Outfit Of The Day “OOTD” tuwing Christmas party. Ang domo sling bag ay hango sa isang Japanese cartoon character na ginawang sling bag o body bag na maaari noong lagyan ng pera o cellphones.
Ilan lamang ang mga ito sa mga nagpapaalala ng simpleng paggunita noon sa tuwing Kapaskuhan. Ikaw, anong most memorable exchange gift na natanggap mo?