May mensahe si dating Comelec Commissioner Rowena Guanzon tungkol sa “pagka-cancel” makaraang i-share niya ang ulat tungkol sa larawan ni dating Senador Kiko Pangilinan kasama sina Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. at First Lady Liza Araneta Marcos.
Napaulat at naging usap-usapan nitong Linggo, Disyembre 15, ang post ng misis ni Pangilinan na si Megastar Sharon Cuneta tampok ang larawan nila kasama ang First Couple nang dumalo sila sa ginanap na "Konsyerto sa Palasyo,” isang event na naglalayong ipagdiwang ang ambag ng pelikulang Pilipino sa sining at kultura.
MAKI-BALITA: 'The world is healing?' Sharon, ibinida larawan kasama sina PBBM, FL Liza
Sa isang X post nitong Lunes, Disyembre 16, ay shinare ni Guanzon ang nasabing ulat at sinabing huwag daw dapat i-cancel si Pangilinan dahil Christmas concert naman daw ito.
Binanggit din ng kilalang “KakamPink” na nagpakita raw ng “statesmanship” sina PBBM at FL Liza.
“O baka e cancel nyo si @kikopangilinan huwag. CHRISTMAS Concert yan e. BBM and FL also showed statesmanship,” saad ni Guanzon.
Matatandaang tumakbo bilang vice president si Pangilinan noong 2022 elections kung saan naka-tandem niya si dating Vice President Leni Robredo na tumakbo bilang pangulo ng bansa, katunggali ni PBBM.