December 15, 2024

Home BALITA National

Pagbisita ng pamilya kay Mary Jane Veloso, hindi natuloy

Pagbisita ng pamilya kay Mary Jane Veloso, hindi natuloy
Mary Jane Veloso (MB file photo)

Hindi na tuloy ang inaasahang huling compassionate visit ng pamilya ni Mary Jane Veloso sa Indonesia dahil babiyahe siya mula sa kaniyang kulungan sa Yogyakarta patungong Jakarta ngayong Linggo, Disyembre 15, upang simulan ang proseso para sa kaniyang pag-transfer sa Pilipinas.

Sa isang pahayag, ibinahagi ng pamilya na nakatanggap sila ng abiso mula sa Department of Foreign Affairs (DFA) na hindi na sila tutuloy sa nakatakda nilang pagbisita mula Disyembre 16 hanggang 18 dahil sa pagbiyahe ni Velos sa Jakarta.

“Ayon sa DFA, ngayong araw nakatakda ang pagbiyahe ni Mary Jane papuntang Jakarta para simulan ang proseso ng kanyang pag transfer sa Pilipinas, alinsunod sa utos ng Indonesian Ministry for Law, Human Rights, Immigration and Corrections. Ang pag-uwi ni Mary Jane sa Pilipinas ay wala pang depinidong petsa,” saad ng pamilya ni Veloso.

Bagama’t may panghihinayang sa hindi natuloy na pagbisita, masaya raw ang pamilya dahil malapit nang makauwi sa bansa si Veloso.

National

1,322 sa 1,992 umano’y recepients ng confi funds ng OVP, walang birth records sa PSA

“Kami, mga magulang at anak ni Mary Jane ay nanghihinayang na hindi kami matutuloy sa pagbisita kay Mary Jane dahil napaghandaan po namin ito at nasasabik namin siyang makasama makalipas ng isang taon mula ng huli naming bisita sa kanya. Gayunpaman, kami ay masayang masaya dahil malapit na ang pag uwi ni Mary Jane sa ating bansa,” saad ng mga ito.

Matatandaang kamakailan lamang nang kumpirmahin ng isang opisyal sa Indonesia nitong Biyernes, Disyembre 6, na makababalik na sa Pilipinas si Veloso bago mag-Pasko.

MAKI-BALITA: Mary Jane Veloso, makakauwi na ng 'Pinas bago mag-Pasko – Indonesian official

Taong 2010 nang arestuhin si Veloso, na ngayon ay 39-anyos, sa Indonesia at sentensiyahan ng parusang kamatayan noong 2015 dahil umano sa pagtatangkang magdala ng 2.6 kilo ng heroin sa Indonesia.

Sa kaniyang paglilitis, iginiit ni Veloso na nalinlang lamang daw siya at hindi niya alam na may droga sa loob ng maletang dala-dala niya patungong Indonesia, na mula sa kaniyang recruiter.