December 15, 2024

Home FEATURES Human-Interest

Guro sa CDO, naipasa ang LET sa kabila ng mga kondisyon ng kalusugan

Guro sa CDO, naipasa ang LET sa kabila ng mga kondisyon ng kalusugan
Photo Courtesy: Lalyn Jane Demiar (FB)

Pinatunayan ng isang guro sa Cagayan De Oro City na sa pagtupad ng pangarap, mas makapangyarihan ang determinasyon at pagsisikap kumpara sa pagsubok na pinagdaraanan niya. 

Batay sa Professional Regulation Commission (PRC) at Board for Professional Teachers (BPT), sa 85,926 na secondary teachers na kumuha ng Licensure Examination for Professional Teachers (LEPT) noong Setyembre 29, 48, 875 lang ang kabuuang bilang ng mga pinalad na makapasa. 

At isa na rito si Ma’am Lalyn Jane Demiar, 26-anyos, nagtapos sa Xavier University - Ateneo de Cagayan ng Bachelor of Secondary Education major in Biological Sciences at kasalukuyang nagtuturo sa Xavier Ateneo Senior High School.

Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Ma’am Lalyn, sinabi niyang 2019 pa raw noong makapagtapos siya sa kolehiyo. Ngunit dahil sa kondisyon ng kaniyang kalusugan na natuklasan niya noong Enero 2021, naantala nang ilang taon ang pagkuha niya ng LEPT.

Human-Interest

'Puwede magpa-tutor?' Cebuano Top 1 ng 2024 Bar exam, kinakiligan

“I was diagnosed with CKD [Chronic Kidney Disease]. Stage 5. So, end stage na siya. Meaning, napakaliit na ng percentage sa kidney ko na gumagana. So, hindi na niya kayang i-filter ‘yong mga toxins and mga ano sa body ko. So, kailangan ‘yong machine na ‘yong magpi-filter,” lahad ni Ma’am Lalyn.

Pero bago pa man ito, sumailalim na rin si Ma’am Lalyn sa mga treatment dahil na-diagnose siya ng nephrotic syndrome noong siya ay 17-anyos. 

“‘Yong pinaka-symptoms ng nephrotic syndrome is pagmamanas… ‘yong edema, ‘yong swelling ng feet. [...] Dahil ‘yon sa kulang sa protein ‘yong body,” aniya.

Dahil kabilang sa kahingian ng kaniyang propesyon ang magkaroon ng lisensya, pinursige ni Ma’am Lalyn na asikasuhin ang aplikasyon para sa LEPT sa kabila ng kaniyang kalagayan.

“Isa talaga sa reason is kailangan na talaga sa trabaho ko ‘yong license ko. Kasi 5 years na akong nagtuturo, of course, kailangan na talaga,” wika ni Ma’am Lalyn.

Pagbabahagi pa niya, nanghihinayang din daw siya sa higit apat na oras na nakokonsumo kapag sumasailalim siya sa dialysis.

“Within those times, marami na sana akong matututunan o mare-review. So, parang sayang naman ‘yong oras na ‘di ko magagamit,” sabi niya.

Pero hindi naging madali ang lahat ng ito para kay Ma’am Lalyn lalo na at medyo nahuli raw ang pagpapasa niya ng aplikasyon para sa nasabing pagsusulit. Isa raw sa mga naging problema niya ang schedule. Kinailangan niyang mag-leave sa trabaho at pumunta sa lugar na malayo sa anomang ingay at gambala.

Bukod dito, dahil siya ay isang dialysis patient, bumababa ang hemoglobin ni Ma’am Lalyn na nagiging sanhi kung bakit mabilis siyang mapagod. Kaya para hindi masaid ang energy sa takdang araw ng exam, nagpasalin siya ng dugo.

Dahil sa mga suliraning ito, hindi naiwasang pagdudahan ni Ma’am Lalyn ang sarili. Kinuwestiyon niya ang kapasidad na pumasa sa pagsusulit na magtatakda kung siya ba ay “propesyunal” o hindi. Sa katunayan, inihahanda rin daw niya ang sarili sa posibleng kabiguan

“Even months before, weeks before, I’ve always talked to my Papa. I often asked him, ‘What if di ako pumasa? Will you still accept me?’ natatawang saad ni Ma’am Lalyn.

“There’s always that doubt,” pagpapatuloy niya. “Kasi although I did my best, as I’ve mentioned before, I know na kulang talaga ‘yong preparations ko.”

Pero buti na lang daw, pinapaligiran siya ng mga taong naniwala at nagtiwala sa kaniya na nakatulong para kahit papaano ay mabasawan ang pag-iisip ng negatibo.

Kaya naman nang ilabas na ng PRC ang resulta ng LEPT noong Disyembre 13, nakahinga si Ma’am Lalyn nang maluwag.

“‘Yong doubts na nasa mind ko, all these times, all these months waiting for the result, parang nawala siya,”  pagbabahagi niya. “It replcae by relief. ‘Yon talaga ‘yong made-describe ko sa feeling ko. Releif tapos happiness. Pero ‘yong pinakauna talaga, relief.” 

Samantala, hindi naman nagkait ng payo si Ma’am Lalyn sa mga gurong kukuha rin ng LET sa susunod para sa inaasam na lisensya.

Ayon sa kaniya, kung may pagkakataon naman, maghanda nang mas maaga. At siyempre, pagkatiwalaan ang sarili

“Kasi hindi ka ilalagay diyan kung hindi mo kaya,” paliwanag ni Ma’am Lalyn. “Hindi ka makaka-graduate, hindi ka papasa diyan sa course na ‘yan kung hindi mo kaya. So of course, kaya mong ipasa ‘yang course na ‘yan, kaya mo ring ipasa ‘yong exam na ‘yan.”

Dagdag pa niya, hindi dapat hinahayaan na maging balakid ang problemang kinakaharap para maabot ang pangarap.

“‘Pag nagsumikap ka lang talaga, maaabot mo kung ano ‘yong gusto mong abutin. Pagsusumikap talaga ‘yong isa pinakaimportante mong gawin. Magsumikap talaga. Kasi walang makakatalo sa pagsusumikap.”

Bukod dito, manalig din daw sa Diyos. Sa panahong nag-aalinlangan sa sariling kakahayan, manalangin at hingin ang gabay Nito.