“Ala-Mary Grace Piattos?”
Mahigit 1,300 umano’y tumanggap ng confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) sa ilalim ni Vice President Sara Duterte ang walang birth records sa Philippine Statistics Authority (PSA).
Kamakailan ay humiling si House Committee on Good Government Chairperson Joel Chua sa PSA na beripikahin ang halos 2,000 pangalan na nakalista bilang acknowledgment recipients ng ₱500 milyong confidential funds ng OVP.
Nito lamang namang Linggo, Disyembre 15, nang ilabas ng komite ang tugon ng PSA na may petsang Disyembre 11, 2024.
Nakasaad sa sulat ng PSA na 1,322 sa mga pangalan ang walang birth record habang 670 pangalan ang “most like matched” o may lumabas na isa o higit pang records ng kapanganakan.
Pagdating naman sa record of marriage, 1,456 pangalan daw ang wala sa kanilang tala habang 536 ang “most like matched.”
Samantala, 1,593 raw sa mga pangalan ang walang record of death habang 399 ang “most like matched” sa existing records ng PSA.
Matatandaang kamakailan lamang ay nauna nang isiniwalat ng PSA na wala silang kahit anong record para sa isang personalidad na “Mary Grace Piattos” at “Kokoy Villamin” na nakipagtransaksyon umano sa opisina ni Duterte.
MAKI-BALITA: ‘Hindi nag-eexist?’ Mary Grace Piattos, walang kahit anong record sa PSA
MAKI-BALITA: 'Kokoy Villamin' na pirmado rin sa mga transaksyon ng OVP, walang records sa PSA?
KAUGNAY NA BALITA: 405 sa 677 umano'y benepisyaryo ng confi funds ni VP Sara, walang record of birth sa PSA