Nagbigay ng pahayag ang re-electionist sa pagkasenador na si Bam Aquino hinggil sa pagkaltas ng budget sa edukasyon at healthcare ng bansa.
Sa Facebook post nitong Sabado, Disyembre 14, sinabi ni Aquino na hindi raw magandang pamasko sa mga Pilipino na bawasan ng pondo para sa dalawang sektor na nabanggit.
Ayon sa kaniya, “Hindi magandang pamasko sa mga Pilipino ang pagkaltas ng budget sa sektor ng edukasyon at kalusugan.”
“Kung kailan maraming pasan ang mga Pilipino, doon pa papahirapan. Sana pakinggan ng gobyerno ang hinaing ng taumbayan - mas mahalaga sa atin ang edukasyon at kalusugan kaysa mga proyektong pwedeng pagkakitaan ng iilan,” dugtong pa ng dating senador.
Matatandaang ayon sa paliwanag ni Senador Grace Poe, nagbigay ang bicam ng "zero subsidy" sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) upang turuan umano ito ng leksyon.
MAKI-BALITA: Poe sa pagbibigay ng 'zero subsidy' sa PhilHealth sa 2025: Tinuturuan natin sila ng leksyon
Bukod dito, naghayag din ng pagkalungkot si Department of Education (DepEd) Secretary Sonny Angara dahil sa desisyon ng Kamara na tapyasan ng ₱12B na pondo ang pingangasiwaan niyang ahensya.
MAKI-BALITA: Sec. Angara, nalungkot sa desisyon ng Kongreso na kaltasan ng ₱12B ang DepEd