Naghahanda na ang isa sa mga pinakamalaking bus terminal sa bansa, ang Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) para sa inaasahan nilang pagdagsa raw ng mga pasahero ngayong holiday season.
Ayon sa pamunuan ng PITX, tinatayang papalo umano sa tatlong milyong mga pasahero ang sasakay at bababa sa nasabing terminal mula Disyembre 20, 2024 hanggang Enero 6, 2025.
Sa panayam ng media kamakailan kay PITX Corporate Affairs and Government Relation Director Jason Salvador, nakipagpulong na raw sila sa Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para sa ara magbigay ng mga special permit sa mga bus upang makabiyahe sa mga lugar na maraming mga pasahero kahit hindi nila sakop na ruta.
“Nakikita natin na mas marami sa mga kababayan natin ang pipiliin na magbiyahe sa PITX kasi napakakomportable lalo na at nadagdagan nang option dito ang kanilang sasakyan sa pamamagitan ng istasyon ng LRT na nakakabit mismo dito sa PITX,” ani Salvador.
Pinagtibay na rin daw ng PITX ang kanilang commuter hotlines upang masiguro ang kaligtasan at kapakanan daw ng mga pasahero.
“PITX is committed to ensuring ‘Biyaheng Ayos’ for all passengers this holiday season,” saad ni Salvador.
Dagdag pa niya: “We understand how important this time is for families, and with the support of DOTr, LTFRB, LTO, and MMDA, we are ready to provide a smooth and worry-free journey for everyone.”
BASAHIN: ALAMIN: Holiday schedule sa ilang public transportation sa Metro Manila