Nagbigay ng reaksiyon ang showbiz insider Ogie Diaz sa pagkawagi ni award-winning broadcast-journalist Atom Araullo sa kasong red-tagging laban kina Lorraine Badoy at Jeffrey Celiz.
Sa Facebook post ni Ogie noong Sabado, Disyembre 13, tila pinatutsadahan niya ang mga nanredtag kay Atom at sinabing nararapat lang daw ito.
“Dasurv nyo yan, mga pabigat sa lipunan. Walang takot mang-redtag ng mga artista. Magbayad kayo ngayon!” saad ni Ogie.
Sang-ayon sa 27 pahinang desisyon ng Quezon City Regional Trial Court (RTC) Branch 306, inabuso raw nina Badoy at Celiz ang kanilang karapatan sa “free speech” dahil sa pag-redtag kay Araullo at sa pamilya nito na miyembro umano ng CPP-NPA-NDF.
Kaya naman inatasan ng korte ang dalawa na bayaran si Araullo ng ₱2.080 milyong para sa bayad sa abogado at sa pinsalang idinulot nila.
MAKI-BALITA: Atom Araullo, panalo sa kasong ‘red-tagging’ vs Lorraine Badoy at Jeffrey Celiz
Matatandaang nauna nang idineklara ng Korte Suprema noong Mayo na ang red-tagging ay banta sa buhay, kalayaan, at seguridad ng isang tao.