December 14, 2024

Home FEATURES Mga Pagdiriwang

EXCLUSIVE: Pasukin ang ‘biggest toy and pop culture event’ sa bansa

EXCLUSIVE: Pasukin ang ‘biggest toy and pop culture event’ sa bansa
(Photo: MJ Salcedo/BALITA)

Sinimulan na nitong Biyernes, Disyembre 13, ang pinaniniwalaang “biggest toy and pop culture event” sa Pilipinas na nagsisilbing maagang regalo ngayong Pasko para sa mga pop culture at toy lovers!

Matatagpuan sa SM Megamall sa Mandaluyong City, tatambad sa pagpasok sa bulwagan ng Toys and Collectibles Fair ang mga laruang hango sa karakter, tulad sa Disney Movies, Marvel, One Piece, Doraemon, Slam Dunk, at iba pa.

Ngunit hindi lamang para sa mga collectible na mga laruan ang ToyFair, maaari ring ma-enjoy rito ang iba’t ibang games at mga mas pinamurang items tulad ng comics, tshirts, tote bags, postcards, keychains, stickers, at marami pang iba.

(Photo: MJ Salcedo/BALITA)

Pagsisimula ng ‘biggest toy and pop culture event’ sa PH

Sa eksklusibong panayam ng Balita, ibinahagi ni Cholo Mallillin, co-founder at marketing head ng ToyCon, na taong 2007 nagsimula ang kanilang Toy Fair tuwing Disyembre, ngunit noong 2022 pa raw inilunsad ang kanilang main event na “ToyCon,” na ginaganap naman taon-taon tuwing Hunyo sa SMX Convention Center sa Pasay City.

Mga Pagdiriwang

ALAMIN: Pregnancy and Infant Loss Remembrance Day, kailan nga ba nagsimula?

Kuwento ni Mallillin, napagdesisyunan nilang itatag ang ToyCon sa pamamagitan ng kanilang pagnanais na pagsama-samahin ang mga katulad niyang toy collectors sa Pilipinas.

(Photo: MJ Salcedo/BALITA)

“Nagsimula ito para sa need to bring together yung mga mahilig talaga sa toy collecting kasi noong panahon na nagsimula kami noong 2002, lahat kami ay may kani-kaniyang collections, at mga fandom na tinatawag,” ani Mallillin.

“We decided to put together parang a small event that we, as toy collectors, na pwede lang kaming magkita-kita, magpalitan o magbilihan ng mga laruan. Eventually, nanganak yun into many other things. It eventually became the biggest pop culture convention here in the Philippines. That’s what ToyCon is known for.

“We really brand ourselves as the biggest pop culture convention in the Philippines. It’s the longest running for sure, 21 years na. Walang ibang event na makakapagsabi na they’ve been going on for 21 years,” dagdag pa niya.

Sa ngayon ay nakikita raw ni Mallillin na maganda ang naging kahihinatnan ng kanilang pagtatag ng ToyCon event dahil napapasaya nito ang mga katulad nilang toy lovers at nakatutulong din sa mga bata.

(Photo: MJ Salcedo/BALITA)

“Nakita namin na since now that it’s a huge endeavor, maraming matutulungan din yung ToyCon in terms of its reach at saka yung just bringing people together and keeping them all happy and positive, and building also a community. Doon kami proud, na ToyCon is a community of people, na talagang dinadayo kami not just because people want to buy pero talagang gusto ng mga tao to be part of the community of toy lovers,” saad ni Mallillin.

Ang ToyFair bilang avenue para sa toy collectors at artists

Personal na nakapanayam ng Balita ang ilang mga toy collector at artist na nagtitinda ng kanilang koleksyon at obra sa ToyFair.

Ayon kay Rowel, mula nang itatag ang ToyCon ay matagal na siyang dumadalo rito upang ibenta ang kaniyang sandamakmak na cards ng NBA at PBA players, at iba pang athletes tulad ni boxing icon Manny Pacquiao.

Ngunit hindi lamang basta cards ang inihanda ni Rowel sa nasabing fair, dahil may signature talaga ang mga ito ng players na nasa picture na siya mismo ang nagpapirma.

(Photo: MJ Salcedo/BALITA)

Samantala, hindi lamang mga Pinoy ang present sa pinaniniwalaang longest running toy convention sa bansa. Kasama rin dito ang American national na si Fred “The Guy” Corder na isang story at art director ng comics.

Kasama ang kaniyang editor na si Agnes Paras, tinatampok ni Corder sa ToyCon ang mga nagawa nilang iba’t ibang comics na konektado sa isa’t isa dahil ang main character sa isa nilang comic book ay mababasa rin bilang isang supporting character sa isa pa iba pa nilang comic books na tumatalakay naman sa ibang kuwento.

Bida rin sa booth nina Corder ang kanilang “Snapshot Comics AR Activated Postcards” kung saan kapag itinap ang cellphone sa lower left corner ng comic postcard, lalabas sa phone ang link ng comics upang mapanood ito.

(Photo: MJ Salcedo/BALITA)

Sa isa pang bahagi ng venue ay matatagpuan naman ang booth ng first time ToyFair joiner na si Joanah, 30, mula sa Malabon City.

Ani Joanah, first time niya sa Toy Fair tuwing Disyembre ngunit naranasan naman na raw niyang dumalo sa ToyCon nitong Hunyo 2024.

Napagdesisyunan daw niyang sumama sa mga fair upang ibenta ang kaniyang mga nagawang crochets ng iba’t ibang anime characters, at iba pang cute animals tulad ng aso at pusa. Bukod dito, tampok din sa booth nina Joanah ang kanilang tinitindang tshirts, tote bags, magnets at paper quilling na sarili namang gawa ng kaniyang kapatid.

(Photo: MJ Salcedo/BALITA)

“Nakakatulong itong ToyFair sa amin kasi malakas ang hatak niya sa tao eh. So madaming nakakakita ng arts namin,” saad ni Joanah.

Munting regalo ng ToyFair para sa mga bata

Bukod sa naggagandahang toy collections at pop culture items na makikita sa event, isa rin sa mga highlight ng nasabing toy fair ang pagbibigay ng mga munting regalo para sa mga batang kapos-palad.

Nito ring Disyembre 13 ay bumisita ang mga bata mula sa Gawad Kalinga Mandaluyong upang makisaya sa ToyFair at tanggapin ang kanilang mga regalong inihanda ng Engage PH, isang advocacy group na naglalayong tulungan at hikayatin ang mga batang muling mahilig sa outdoor games at activities.

(Photo: MJ Salcedo/BALITA)

Sa eksklusibong panayam ng Balita sa founder ng Engage Philippines na si Jorrell Ang, ibinahagi niyang nitong Oktubre 2024 nang mapagdesisyunan niyang itatag ang Engage Philippines matapos niyang ma-meet ang mga bata sa Gawad Kalinga na isa sa mga natulungan ng isa pang grupong kaniyang kinabibilangan.

“Small group lang kami. And we want to remove the kids from too much cell phone and spend more time sa mga educational games, para ibalik sila sa dati na nag-eenjoy sila sa labas kaysa puro cellphone,” ani Ang.

“We have partners na meron silang games na educational, which are merong academic, history and Bible verses, so at the same time na naglalaro sila, they can also learn,” dagdag niya.

Ayon pa kay Ang, malaki ang tulong ng ToyFair sa mga batang kanilang natutulungan upang ma-expose din ang mga ito sa saya ng pagkakaroon ng mga laruan bilang bata.

“Yung ToyCon kasi is for toys, ‘di ba? So ang bata talaga is meant for toys. They have to enjoy that. Ngayon kasi itong mga nandito, mga bata dati na until now naa-appreciate nila yung toys. So I want the kids now to experience that also in the digital age,” saad ni Ang.

“So kaysa puro mobile games, at least ito talagang may pinamimigay sa kanila. Para paglaki nila, maalala nila na: ‘Uy may value pala ito, nakuha ko pala ito dati.’ That experience embedded on that item, which na-experience ko rin dati, will spark up to everyone,” dagdag niya.

Inaasahang magpapatuloy ang ToyFair hanggang sa Linggo, Disyembre 15, at magiging bukas ito mula 11 ng umaga hanggang 9 ng gabi. Mayroon itong ticket price na ₱150 para sa regular rate, ₱100 para sa mga batang may laking 3 feet pataas, at libre naman para sa mga PWD, senior citizen, at mga batang mas mababa sa 3 feet ang laki.

“We’d like to invite people who are interested not just in toys and collectibles, but also people who are interested in creative works, arts, and pop culture. You can really find something here, which will spark joy in you as a pop culture fan,” mensahe ni Mallillin sa mga hindi pa nakakapunta sa ToyFair.

“Be part of the community and join our ToyCon.”