Kinilala ng Supreme Court (SC) ang Ateneo de Manila University bilang “top performing law school” matapos lumabas ang resulta ng 2024 Bar Examinations nitong Biyernes, Disyembre 13, 2024.
Ayon sa SC, 3,962 ang pumasa sa Bar exams na may katumbas na 37.84% passing rate.
KAUGNAY NA BALITA: 37.84% examinees, pasado sa 2024 Bar Examinations – SC
Kasunod nito, inihayag din ng SC na mula sa 176 na Bar examinees na mula sa Ateneo, 169 sa mga ito ang pumasa na may katumbas na 96.02% passing rate, habang 159 naman sa mga ito ang mga first-time takers.
Nahahati sa dalawang kategorya ang basehan ng SC sa pagkilala ng outstanding law schools. Ang una ay mula sa kabuuang bilang ng "first-time" takers at ang overall performance ng repeaters.
Noong 2023, Ateneo rin ang nanguna sa Bar exams matapos makakuha ng 93.18% overall passing rate habang 94.08% naman mula sa kanilang first-time takers.
Samantala, pumangalawa naman ang University of the Philippines na may 90.51% passing result, habang San Beda University naman ang kumupo sa ikatlong puwesto na may 89.73%. Pumang-apat naman ang University of Santo Tomas na nakakuha ng 80.35% at University of San Carlos sa ikalimang puwesto na may 79.05% .