December 14, 2024

Home BALITA National

ALAMIN: Ano nga ba ang AKAP at sino ang mga benepisyaryo nito?

ALAMIN: Ano nga ba ang AKAP at sino ang mga benepisyaryo nito?
Photo courtesy: DSWD/website

Tila kuhang-kuha ng “AKAP” ang “inis” ng taumbayan matapos mapuna ang kapansin-pansin umanong pagkakaroon nito ng bilyong pondo kumpara sa PhilHealth, batay sa 2025 national budget na isinapinal ng Kamara at Senado.

Matatandaang nitong Disyembre 11,2024 nang isinapinal ng bicam ang 2025 national budget kung saan nakakuha ng ₱26 bilyong pondo ang AKAP, samantalang "zero subsidy" naman ang ibinigay sa Philhealth. 

Ayon kay Senator Grace Poe, binigyan ng zero subsidy ang PhilHealth dahil may reserve fund pa raw ito mula sa pondo nito noong 2024.

KAUGNAY NA BALITA: Poe sa pagbibigay ng 'zero subsidy' sa PhilHealth sa 2025: Tinuturuan natin sila ng leksyon

National

PhilHealth, pumalag sa mga alegasyon; <b>₱138M hindi raw para sa Christmas party</b>

Bunsod nito, marami ang hindi naiwasang ipagkumpara ang pagpabor daw sa AKAP kesa pondohan ang primaryang mga benepisyaryo ng PhilHealth.

Ano nga ba ang AKAP?

Ang Ayuda sa Kapos ang Kita Program (AKAP) ay isang programa sa ilalim ng Department of Social Welfare and Development (DSWD). Pormal itong inilunsad sa buong bansa noong Mayo 18, 2024. 

Nakasaad sa DSWD website, inilunsad ang naturang programa upang tugunan daw ang maliit na kita ng mga “minimum wage earners” kasunod ng patuloy umanong pagtaas ng inflation sa bansa. Nasasaad sa General Appropriations Act of 2024 sa ilalim ng Special Provision No.3 ng DSWD budget ang pagkakaroon ng AKAP na noo'y mayroong ₱26.7 bilyong pondo. 

Sino ang benepisyaryo ng AKAP? 

Bagama't nilalayon ng nasabing programa na pagtugpin ang sahod ng minimum wage earners at pagtaas ng presyo ng bilihin, malinaw namang nakasaad sa probisyon nito na hindi na raw maaaring makatanggap pa ng AKAP ang mga mamamayang nasa ilalim na rin ng iba pang programa ng DSWD.

Ayon sa DSWD, kabilang sa mga hindi na raw maaaring makatanggap pa ng AKAP ay ang mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) at Indigent senior citizens na nakatatanggap na raw ng ₱1,000 kada buwan. 

Ano-ano ang maaaring matanggap mula sa AKAP?

Mayroong limang klaseng assistance na maaaring ibigay ng DSWD. 

1. Rice Assistance - Tinatayang nasa 25kg ng bigas ang maaaring matanggap ng isang benepisyaryo isang beses sa loob ng tatlong buwan.

2. Medical Assistance - Nasa 1,000 hanggang 150,000 naman ang puwedeng matanggap ng benepisyaryo kapag sila ay na-admit sa ospital.

3. Funeral Assistance - Nagsisimula naman sa 5,000 hanggang 50,000 ang maaaring makuha ng mga namatayan.

4. Food Assistance - Tinatayang nasa 2,000 hanggang 10,000 naman ang maaaring makuha ng benepisyaryo isang beses sa loob ng tatlong buwan

5. Cash Relief Assistance - Nagsisimula naman sa 2,000 hanggang 10,000 ang puwede makuha ng benepisyaryo depende sa kanilang pangangailangan. 

Samantala, kaugnay ng nasabing alokasyon na inaprubahan ng bicam, nakatakda namang pirmahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ang nasabing 2025 national budget bago mag-Pasko.

Ikaw? Sang-ayon ka ba sa pondong natanggap ng AKAP?