Hinikayat ni dating senador Atty. Leila de Lima ang mga nakapasa ng 2024 Bar Examinations na maglingkod nang tapat at patuloy na magsilbing inspirasyon sa bayan.
Nitong Biyernes, Disyembre 13, nang ianunsyo ng Korte Suprema na 37.84% o 3,962 aspiring lawyers ang pumasa sa 2024 Bar Exams.
MAKI-BALITA: 37.84% examinees, pasado sa 2024 Bar Examinations – SC
Sa isa namang X post nito ring Biyernes, binati ni De Lima ang lahat ng mga pumasa sa pagsusulit, at kinuwento rin ang kaniyang naging karanasan bago maipasa ang Bar.
“Malugod kong binabati ang lahat ng mga nakapasa sa Bar Exam!”
“Bilang isang abogado na nagdaan din sa Bar Exam, naranasan ko rin ang hirap at saya ng bawat pagsubok. Noong ako ay nagkaroon ng karangalan na maging ikawalong (8th) pwesto bilang topnotcher, natutunan ko na ang tunay na hamon ay hindi natatapos sa exam,” anang dating senador.
Sinabi rin ni De Lima na hindi lamang daw dapat maging para sa lisensya ang mga natutunan ng Bar passers sa pag-aaral ng abogasya kundi para sa paglilingkod.
“Ang mga natutunan natin dito ay hindi lang para sa papel o sa lisensya—kundi upang magamit sa totoong buhay. MAGLINGKOD TAYO NANG TAPAT, patuloy sana tayong magsilbing inspirasyon sa ating bayan,” saad ni De Lima.