Pinangunahan ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA) at lokal na pamahalaan ng Rosales, Pangasinan ang unveiling ng centennial bust ni National Artist for Literature F. Sionil Jose sa Presidencia Grounds noong Disyembre 3 bilang paggunita sa kaniyang isang siglong anibersaryo at kaarawan.
Ayon sa NCCA, nagkaroon umano ng pirmahan sa deed of donation para sa pagkakalagay ng naturang eskultura sa lugar bago ito i-unveil.
Bukod dito, nagpamalas din ang kabataan ng Rosales ng kani-kanilang talento sa pamamagitan ng pagkanta at pagsayaw.
Ang naturang seremonya ay inialay kay Jose upang kilalanin ang kaniyang kontribusyon sa Panitikang Pilipino.
Dinaluhan ito ng mga halal ng bayan sa pamumuno ni Rosales Municipal Mayor William Cezar, mga konsehal nito, at ng pamilya Jose.
Matatandaang ginawaran si Jose ng National Artist Award noong 2001 at pumanaw naman siya noong Enero 6, 2022.
Isa sa mga pinakatanyag na akda ni Jose ay ang Rosales Saga, na halaw sa pangalan ng pinanggalingan niyang bayan. Ito ay binubuo ng limang nobela na matingkad umanong nagdokumento sa buhay ng mga Pilipino.