Hindi na raw itutuloy ng aktor na si Mon Confiado ang kaso laban sa isang content creator na nagpakalat ng gawa-gawang kuwento laban sa kaniya.
Ayon sa ulat ng Philippine Entertainment Portal (PEP) noong Miyerkules, Disyembre 11, 2024, eksklusibo raw nilang nakapanayam ang aktor noong Nobyembre 24, kung saan kinumpirma ni Confiado ang pagbabago ng kaniyang desisyon.
Saad ni Confiado, maka-ilang beses na raw kasing humingi ng tawad ang content creator na si “Ileiad” o Jeff Leanneroie Bonilla Jacinto sa totoong buhay, maging ang ina raw nito ay nagme-message sa kaniya at iginigiit na mahirap lang daw sila upang makakuha ng abogado.
“Dahil busy naman ako at dahil siya ay humingi na rin ng paumanhin; at yung nanay napakaraming messages na humihingi sa akin ng tawad, humihingi ng sorry. Mahirap lang daw sila, wala silang pambayad ng abogado,” ani Condiado.
Matatandaang noong Agosto 2024 nang magsampa ng cyberlibel case si Confiado laban kay Ileiad, matapos magamit ang pangalan niya sa isa umanong “joke” kung saan pinalabas na magnanakaw ang aktor sa nasabing kuwento.
KAUGNAY NA BALITA: Mon Confiado, nagsampa na ng kaso sa content creator na gumawa ng pekeng kuwento
Samantala, nilinaw din ni Confiado na ang nais lamang daw niya ay makapagbigay ng “awareness” na hindi raw dapat basta-basta lamang nagagamit ang pangalan ng ibang tao sa kung anong bagay.
“Saka di naman ito malaking kaso. Kumbaga, ang bottom line lang naman ay makapagbigay ng awareness na hindi naman tayo dapat ginagamit,” anang aktor.
Nang linawin naman ng PEP kung umakyat na raw ba ang isinampa niyang kaso sa National Bureau Investigation (NBI) — “Hindi ko na na-monitor ito, sa tingin ko, hindi pa. Ano ‘yan, e, padadalhan siya ng subpoena, iimbitahin ng NBI, kailangan niyang magpaliwanag para pagbatiin kami,” saad ni Confiado.
Dagdag pa ni Confiado, ang ina raw ni Ileiad ang nakapagpalambot ng kaniyang puso dahil sa maka-ilang ulit na paghingi niya ng tawad sa kaniya. Sapat na rin daw na napadaan sa media ang nasabing isyu upang hindi na rin daw ito maulit sa iba.
“Sa akin, baka sa bandang huli ako pa ang mapasama kapag ito ay tinuloy ko at pinatulan pa. The fact na nanay ang humihingi ng tawad, siya naman din. Yung sa akin pinadaan na nga sa media, isang malaking bagay na yun. Lesson na rin sa kanya yun,” giit ni Confiado.