Tahasang iginiit ni Vice President Sara Duterte na wala raw siyang balak ipaliwanag kung paano ginamit ng kaniyang opisina ang kuwestiyonableng confidential funds ng Office of the Vice President gayundin ang sa Department of Education (DepEd) na noo’y nasa ilalim ng kaniyang liderato.
Sa press briefing nitong Miyerkules, Disyembre 11, 2024, muling iginiit ni VP Sara na hindi niya raw ito ipaliwanag.
“No, I will not explain. I will not give an explanation because it will only tell that I explain intelligence operations which will compromise offices who do intelligence operations. It will really compromise how they work. So no explanation will be given to the members of the House of Representatives,” ani VP Sara.
Matatandaang kamakailan lang ay kinumpirma naman ng Philippine Statistics Authority (PSA) na mula 677 umano’y benepisyaryo ng confidential funds ng DepEd ay 405 ang walang record of birth sa nasabing ahensya.
KAUGNAY NA BALITA: 405 sa 677 umano'y benepisyaryo ng confi funds ni VP Sara, walang record of birth sa PSA
Isinaad din ni VP Sara na aprubado naman daw ng Office of the President maging ng House of Representatives ang kaniyang confidential funds noon. Dagdag pa nya, pinili niya na raw na hindi ito gamitin sa fourth quarter dahil may nakapagsabi umano sa kaniya na ito raw ay gagamitin laban sa kaniya.
“I was already flagged by a friend inside the House of Representatives that they will attack you using confidential funds,” saad ni VP Sara.
Samantala, kasalukuyang may dalawang impeachment complaints na naihain sa Kamara laban sa Bise Presidente kaugnay umano ng “betrayal of public trust,” dahil sa hindi raw nito pagpapaliwanag nang maayos kung paano ginamit ang nasabing confidential funds.
KAUGNAY NA BALITA: VP Sara, nag-react sa impeachment complaints laban sa kaniya: ‘Finally, na-file na!’