Isinatinig ni Mario Fernandez, chairman ng Organized Labor Association in Line Industries and Agriculture (OLALIA-KMU), ang hinaing ng mga kapuwa niya manggagawa sa isinagawang kilos-protesta sa harap ng Korte Suprema noong Martes, Disyembre 10.
Sa kaniyang talumpati, inilahad ni Fernandez ang panunupil at panggigipit umano sa mga manggagawang nagtatangkang umanib sa mga pederasyong nag-oorganisa ng unyon.
Ayon sa kaniya, “Marami pong nagnanais na mag-unyon. Ngunit kapag nalaman pa lamang ng kapitalista, ito ay dudurugin. At ito ay ilalabas o ite-treat sa labas ng management. Ganito po ang nangyari sa isang lokal namin…kagaya na lamang po ng Golden Zone, gawaan po ito ng winter gloves at accessories.”
“Sa panahon po na sila ay pumanig sa aming pederasyon, sila po ay ginawan ng kung ano-anong kuwento. Na ang aming pederasyon na OLALIA ay kabahagi diumano ng mga CPP-NPA-NDF. Mali ito para sa amin dahil kami ay tahasang nire-redtag doon sa Timog Katagalugan,” dugtong pa niya.
Kaya naman ang panawagan ni Fernandez, bigyan sila ng layang bumuo ng unyon nang hindi nangangamba sa panganib ng red-tagging upang maitaguyod ang sapat na sahod sa gitna ng lumalalang krisis ng bansa.
Ang naturang kilos-protesta ay inorganisa sa mismong araw ng paggunita sa International Human Rights Day. Kasama si Fernandez sa mga progresibong grupong nakiisa upang manawagan ng hustisya sa mga biktima ng international humanitarian law (IHL) violations.